ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sanggol ipinanganak na may ngipin na sa Cotabato City


Isang sanggol sa Cotabato City ang ipinanganak na mayroon nang ngipin, ayon sa isang ulat sa “24 Oras” ng GMA Network nitong Miyerkules.   Pinangalanan ang sanggol na Mac Anton Jay Pastrana, na isinilang sa Cotabato Medical Specialist Hospital kamakailan.   Ayon kay Dr. Meriam Kanakan, ang gynecologist na nagluwal sa sanggol, sa isang dekada niya sa trabaho ay ngayon lamang siya nakakita ng batang ipinanganak na may ngipin na.   Aniya, tinatawag itong “natal teeth.” Bagama’t bihira itong mangyari, wala naman daw dapat ipag-alala tungkol dito.   "Actually, nangyayari ito sa isa sa 2000 born babies. Hindi naman natin matatawag na abnormalities ito, pero ang hindi lang natin alam if may ganitong kaso din sa kanilang pamilya," sabi ni Kanakan.   Kahit na aminadong nagulat, nangibabaw pa rin ang kaligayan sa mag-asawang Pastrana dahil naging malusog naman ang bagong miyembro ng kanilang pamilya.   Ani Lourlyn Pastrana, ina ng sanggol: "Nagtataka ako bakit binigay sa akin ng Diyos na ganito. Hindi ko alam kung anong binigay na misyon Niya sa akin." Ngunit giit ni Kanakan, huwag maniwala sa mga sabi-sabi na swerte o malas ang mga batang ipinanganak na may ngipin. Aniya, wala namang scientific basis ang mga ganitong klase ng paniniwala. — KBK, GMA News

Tags: natalteeth,