ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang sikat na subdibisyon sa Q.C., nakapatong o malapit sa fault line


Nanawagan si Quezon City Mayor Herbert Bautista sa mga residente na nakatayo ang mga bahay, o malapit sa Marikina fault line na lumipat ng kanilang matitirhan. Ang panawagan ay ginawa ng alkalde kasunod ng pinapatinding information drive ng lokal na pamahalaan upang makapaghanda ang mga tao sakaling magkaroon ng malakas na lindol. “Our plan is to discourage the construction of structures within the 5 meter-wide borders or buffer zone on both sides of the fault line (West Valley Fault Line o Marikina Fault)," anang alkalde. “We are considering declaring this buffer zone as non-residential to avoid further damage in case of ground rupture," dagdag ni Bautista sa pahayag. Ilan sa mga subdibisyon sa Quezon City na nasa ibabaw o malapit sa fault line ay ang: -Loyola Grand Villas -Loyola Subdivision -Ateneo de Manila University -Barangka -Monte Vista Subdivision -Industrial Valley Subdivision -Cinco Hermanos Subdivision -Blue Ridge Subdivision -The Acropolis -White Plains Subdivision at -Green Meadows Subdivision Samantala, ang mga kalsada naman na nasa fault line ay ang: -A. Bonifacio Ave. (Barangka) -Marcos Highway (Barangka) -Santolan Road (Blue Ridge) -C5(Near St. Ignatius Village) at -Green Meadows Ave. Binigyan-diin ni Bautista ang kahalagahan ng paghahanda upang makaiwas sa disgrasya sa panahon ng matinding kalamidad. Idinagdag niya na patuloy ang isasagawa nilang “tagging" at “marking" sa mga lugar na nasa fault line upang maipaalam sa publiko ang posibleng peligro na kanilang kakaharapin sa panahon ng lindol. Nitong nakaraang taon, inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na “hinog" na sa panahon ang Marikina Valley Fault Line para muling gumalaw. Nitong Lunes, niyanig ng lindol na may sukat na 6.8-magnitude ang Visayas kung saan umabot na sa 43 katao ang naiulat na nasasawi. - RRDinglasan/FRJ/KG, GMA News