Ilang babaeng pasahero sa Baguio City, nangangamba sa kidnap-rape sa taxi
May mga pasaherong babae ang patuloy na nangangamba sa pagsakay sa taxi sa Baguio City dahil sa insidente ng pagdukot at panggagahasa na nangyari sa loob ng nabanggit na pampasaherong sasakyan. Sa panayam ng GMA News kay Jennyglen Coga-ay, dahil sa napabalitang kidnapping at rape, mas pinipili nila na sumakay na lamang ng jeepney kahit marami silang bitbit. “Nakakatakot talaga sa taxi. Kaya kahit mahirap, kahit maraming bitbit, nagje-jeep na lang minsan," ayon kay Coga-ay. Kung sumasakay naman sa taxi ang anak niyang dalaga, kinukuha umano niya ang plate number ng taxi. Maging si Violeta Bagbagen ay hindi na rin umano basta-basta pumapara ng sasakyang taxi sa pangambang mabiktima rin. Kung sasakay ng taxi, nakaalerto umano siya sa loob at pinapakiramdaman kung may nagtatago sa likod ng sasakyan. Bagaman pinag-iingat ang mga sumasakay sa taxi (lalo na ang babae kung gabi), nilinaw ni Police Insp. Karissma Sta. Juana, public relation officer ng Baguio City Police, na walang katotohanan na may gumagalang taxi at naghahanap ng bibiktimahin. Sa huling insidente umano ng pagkidnap at panggagahasa sa loob ng taxi ay kinasangkutan ng isang 17-anyos na dalaga. Subalit lumitaw sa imbestigasyon na magkakilala ang biktima at ang driver ng taxi na suspek sa krimen. “Wala po ditong taxi na nangingidnap. Hindi po totoo ang bali-balitang ito," ani Sta Juana. Permit to carry firearms, suspindido Samantala, para mapangalagaan ang seguridad at maiwasan ang karahasan sa pagdiriwang ng Baguio Flower Festival o Panagbenga Festival, sinuspinde na ng mga awtoridad ang permit to carry firearms outside the residence. Ang pagsuspindi sa permit to carry ng mga baril ay epektibo simula Biyernes at magtatagal hanggang Marso 4, ayon kay Sta. Juana. -- ALF/Darius/FRJ, GMA News