ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palparan, ‘di raw tatanggap ng tulong sa kapwa sundalo


Sa pamamagitan ng kanyang abogado, pinabulaanan ng nagtatagong si retired military general Jovito Palparan na kinakanlong siya ng dating mga kasamahan sa militar. Ayon kay Atty Jesus Santos, isa sa mga abogado ni Palparan, na nakausap niya ang kanyang kliyente sa pamamagitan ng telepono. Nais daw ni Palparan na maipaalam sa publiko na walang katotohanan ang akusasyon na nakatatanggap siya ng suporta sa mga dating kasamahan sa Armed Forces of the Philippines. Sa isang pahayag, binigyan-diin ng retiradong heneral na hindi dapat mabahiran ang reputasyon ng AFP nang dahil sa kasong kinakaharap niya. “This is my own fight, do not blame the AFP and the retired generals for the continued failure of the government to have me arrested," nakasaad sa pahayag ni Palparan. Pinaghahanap ng awtoridad si Palparan matapos magpalabas ng arrest warrant ang isang korte sa Bulacan dahil sa pagkawala ng dalawang babaeng estudyante ng University of the Philippines. Hinihinala ng mga militanteng grupo na kinakanlong si Palparan ng mga dating kasamahan sa AFP. Sa pahayag, sinabi ni Palparan na dapat itigil na ang mga alegasyon na itinatago siya ng militar. Katunayan, tatanggihan umano niya ang tulong sakaling alukin siya. “Even if they offer, I will not accept, because I do not want the AFP and the retired generals to be involved," deklara ng nagtatagong retired general. Kasabay nito, sinabi ni Santos na nagpapasalamat si Palparan kina Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at Justice Secretary Leila De Lima dahil hindi sila sumang-ayon na magpalabas ng shoot too kill order laban sa kanya. Idinagdag ng abogado na nagpadala siya ng sulat sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa natanggap niyang impormasyon na posibleng buhay pa ang dalawang nawawalang UP students. Umaasa si Santos na makikita ng NBI ang dalawang estudyante na magiging daan para maibasura na ang kaso laban sa kanyang kliyente. -- RRamos/FRJ, GMA News