ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nobyo ni ex-Rep Nanette Daza, patay sa pamamaril sa loob mismo ng bahay sa Q.C.


Patay ang nobyo ni dating Quezon City Rep Nanette Daza matapos ang insidente ng pamamaril na naganap sa loob mismo ng bahay ng dating mambabatas. Ang suspek sa pamamaril, ang manugang ng dating kongresista. Sa panayam ng GMA News TV’s Balitanghali nitong Sabado, kay P/Insp Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation Detection Unit ng Q.C., kinilala nito ang nasawi na si Noel Orate Sr., district manager ng United Laboratories. Nahuli naman ang suspek sa pamamaril na si Allan Robes, board member sa lalawigan ng Bulacan. Asawa ni Robes ang anak ni ex-Rep Daza na si Q.C. Councilor Jessica Castelo-Daza. Sinabing naganap ang pamamaril dakong 10:45 p.m. nitong Biyernes sa loob ng bahay ni ex-Rep Daza sa Teacher’s Village sa Q.C. Nakatanggap umano ng tawag ang pulis tungkol sa komusyon na nagaganap sa loob ng bahay ng dating kongresista. Nang dumating ang mga pulis, may narinig na sunod-sunod na putok ng baril sa loob ng bahay. Sinabi ni Marcelo na hindi nagtagal ay lumabas ng bahay ang suspek na si Robes at payapang sumuko nang makita ang mga pulis. Isinuko rin umano ni Robes ang baril na hinihinalang ginamit sa pamamaril. Isinailalim na si Robes sa paraffin test pero hindi umano ito nagbigay ng pahayag tungkol sa gulong nangyari sa loob ng bahay ni Daza. Samantala, sinabi sa ulat na hindi inabutan ng mga pulis sa loob ng bahay ang dating kongresista dahil dinala ito sa ospital bunga ng pamamaga ng paa na tinamo sa nangyaring komusyon. Labis naman ang hinanakit ng mga anak ni Orate sa nangyari. “Ang kwestiyon dito, bakit ang daddy ko binaril sa controlled environment. Bahay ‘to, residence ‘to, kailangan ba ng bodyguard sa loob," pahayag ni Noel Jr. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya sa nangyaring krimen. -- FRJ, GMA News