ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pag-iibigang nabuo sa takbuhan at nagtuloy-tuloy sa simbahan


Nagkakilala sa social networking site na Facebook, ang pag-iibigan nina Anthony Paul Villaceran at Deborah Mae Gabriel ay umusbong sa kanilang hilig sa pagtakbo, at nagtuloy-tuloy hanggang sa simbahan. Agosto 2010 nang magsimula ang lahat kina Paul at Mae nang magkakilala sila sa Facebook sa tulong ng kanilang mutual friend. “Nakita ko si Mae sa Facebook at nag-click ako sa ‘add friend," balik-tanaw ni Paul. Dagdag naman ni Mae, si Paul ang humingi ng kanyang “number." Makalipas ang isang buwan na palitan ng mga mensahe sa FB at cell phone, nag-meet sila sa Diliman campus ng University of the Philippines sa Quezon City para mag-training sa sinalihan nilang takbuhan. Pareho kasi silang runner at mahaba-habang takbuhan ang 21 kilometer run na kanilang sinalihan kaya kailangan nilang paghandaan. Hindi naman naging mahirap sa kanila ang magkapalagayan ng loob. Pagsapit ng November 14, ipinagkaloob ni Mae ang matamis niyang “Oo" kay Paul. February 14, 2011, ang unang Valentine’s Day nila bilang magkasintahan. Isa itong espesyal na araw sa dalawang nagmamahalan na hindi dapat palampasin. Pero nagkaroon ng problema sa kanilang first Valentine date. Sa umaga ang pasok sa trabaho ni Mae habang sa gabi naman ang shift ni Paul. Ngunit sabi nga, “love finds a way." Nagawan nila ito ng paraan. Bago umuwi ang isa, at bago naman pumasok ang isa, nagkasundo silang magkita muna sa isang pizza restaurant sa Cubao. Hindi lang Valentine’ Day ang kanilang ipinagdiwang kundi ang ikatlong “monthsary" ng kanilang pagiging magkasintahan. Ngayong Valentine's Day, ganun uli ang taktikang kanilang gagamitin. Bago pumasok sa trabaho si Paul, at bagong umuwi si Mae, ay magkikita muna sila para mag-date. Pag-iisang dibdib Nakilala ng GMA News Online sina Paul at Mae sa Sacred Heart of Jesus Parish sa Kamuning, Quezon City. Dumalo ang dalawa sa marriage orientation seminar ng parokya. Nakatakda na silang magpalitan ng “I do" sa darating na Mayo 5. Pero papaano nga ba malalaman ng isang tao na ang kanyang nakilala sa isang social networking site, at nakasabay sa takbuhan ang taong nais na niyang makasama sa buong buhay niya? “Mahirap i-explain kung paano ko nalaman na si Mae na 'yung papakasalan ko. Basta meron nung 'thing' at na-visualize ko noon na si Mae na nga," ayon ka Paul. “First boyfriend ko si Paul," bungad naman ni Mae. “Lahat ng mga friends ko nag-asawa na. Ako na lang yung hindi pa. Pinag-pray ko. Kaya nung dumating siya at nalaman ko na siya na, pinag-pray ko siya." Sa naturang parokya sa Kamuning ay nakilala rin ng GMA News Online sina Kristiansen Gotis at Vernalyn Latayan. Civilly-wed na sila noong Marso pa ng nakaraang taon. Ayon sa kanila, mas lumalim ang kanilang pagmamahalan at pag-unawa sa isa't-isa. “Kapag magkasama, parang nakalutang. Blissful. Ngayon, iniisip na namin ang direksyon namin sa buhay," ayon kay Kristiansen. Inabot ng pitong buwan sina Kristiansen at Vernalyn bago sila nagpasyang magpakasal. Sure na sila sa isa’t isa noon kaya naman nagpasya na silang magpakasal muna sa huwes. Ngayong nakapag-ipon na, nagpasya naman silang magpalitan ng sumpaan sa harap ng altar. “Wala pa kaming pera noon. Gusto namin naman na mag-celebrate kasama ang family and friends," paliwanag ni Kristiansen. Madali naman natanggap ng pamilya ni Vernalyn si Kristiansen. Pero naging mas masusi ang pagkilatis ng kuya ni Vernalyn sa mapapangasawa ng kanyang kapatid. Sa panig naman ni Kristiansen, ang ina naman niya ang medyo nagulat sa bilis ng mga pangyayari. Sa darating na Marso 15 na kasi ang kanilang church wedding. Mas marami ang ikinakasal sa huwes Sa pinakahuling datos ng National Statistics Office, umabot sa 482,480 ang naganap na kasalan noong 2010. Pinakamarami ang ikinakasal sa buwan ng Pebrero na mayroong 1,909 marriages per day. “Marriages performed in civil rites continued to top the list among all types of marriage ceremony. This year (2010), marriage under civil rites recorded 209,952 or 43.5 percent of the total marriages," ayon sa NSO. “Marriages solemnized under Roman Catholic ceremony covered 35.0 percent of the total, while one-fifth of the total marriage proportion was solemnized by other religious rites (including Muslim) (100,057 or 20.7%). Moreover, it is an interesting fact that there were 3,242 marriages solemnized under tribal rites," dagdag sa NSO. - Earl Victor Rosero/FRJ, GMA News