Mga mahilig mag-nganga, binalaan sa posibleng kanser sa bibig
Pitung taon nang ngumunguya ng “mama", lokal na tawag ng Cordilleran sa nganga (betel nut sa Ingles) si Mang Ago Balaoas, tubong Mountain Province. Bukod sa nakagawian na nitong magmama, paraan din daw nila ito para magkaroon ng isang masiglang usapan. Isa lamang si Mang Ago sa marami pang Cordilleran na makikitang nagnganganga sa Igorot Park sa Baguio City. Kaya’t malabo raw na talikuran nila ang pagnguya ng betel nut o nganga kahit possible itong magdulot ng sakit na “mouth cancer." “Hindi ako takot. Wala namang dapat katakutan. Marami namang nagmamama pero wala namang nakukuhang sakit," deklara ni Mang Ago. Ayon sa Department of Health sa Cordillera, mataas ang tiyansang magkaroon ng oral cancer ang mga taong nagnga-nganga. “Actually there is no direct evidence na siya ‘yung cause. But it has been shown in studies. If you look on patients with oral cancer in the past and their activities, higher risks yung nagpapractice ng betel nut chewing," paliwanag ni Dr. Nicolas Gordo, Medical Specialist IV, CHD-CAR. Bukod sa babalang maaaring magdulot ito ng mouth cancer, ipinagbabawal din ng Baguio City government ang pagdudura ng mama kung saan-saan. Pero aminado silang hindi madaling alisin ang naturang pagmamama na bahagi na ng kanilang kultura. “Aside from betel nut, mayroon pang dahon na tinatawag na “gawed" at lime so the interaction probably of those ingredients nagkaroon ng substance that contribute oral cancer," dagdag pa ni Dr. Gordo – ASTulagan/GLCalicdan/FRJ, GMA News