ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kongresista na inambush nang tumigil sa ‘red light' noong 1995


Kilala niyo ba kung sino ang kongresista na tinambangan at napatay matapos siyang abangan ng mga assassin sa traffic light sa panulukan ng Batasan Road at Commonwealth Avenue sa Quezon City noong 1995? Labing-pitong taon na ang nakalilipas nang tambangan si dating Masbate Rep. Tito Espinosa sa kanto ng Batasan Road at Commonwealth Ave, noong gabi ng Pebrero 28, 1995. Naganap ang krimen ilang metro lamang ang layo sa gusali ng Batasang Pambansa kung saan nanggaling si Espinosa. Nadala pa ang kongresista sa Malvar General Hospital sa Commonwealth Avenue pero binawian din ng buhay pagkaraan ng ilang oras. Nakakuha ng tiyempo ang mga suspek na barilin si Espinosa nang tumigil ang sasakyan nito nang mag-red ang traffic light sa kanto ng Batasan at Commonwealth. Nahuli at nahatulang makulong ang itinuturong bumaril kay Espinosa na si Blas Rosario. Samantala, dahil sa kawalan ng ebidensiya ay pinawalang-sala ng korte ang gobernador na Masbate na si Antonio Kho, na itinurong mastermind sa krimen, at ang bodyguard niya na si SPO2 Arnel Quidato. Dahil sa nangyari kay Espinosa, gumawa ng hakbang ang liderato ng Kamara at pulisya upang higpitan ang seguridad sa mga mambabatas. Inayos din ang mga kinalalagyan ng mga traffic light sa lugar upang hindi na magamit ng mga assassin. - FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia