2 katao patay, 6 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Tarlac
Dalawa katao ang nasawi, habang anim na iba pa ang nasugatan sa salpukan ng tatlong sasakyan sa Barangay Malacampa sa bayan ng Camiling sa Tarlac. Sa imbestigasyon ng pulisya, unang nabundol ng isang van ang motorsiklo na minamaneho ni Reynaldo de Jesus. At pagkatapos ay sinalpok naman ng van ang kasalubong na trak. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon mula sa motorsiklo si De Jesus na pumanaw sa ospital. Pumanaw din sa ospital si Lovenoel Lalicon, isang Canadian citizen, na nakasakay sa harapang bahagi ng van. Sugatan naman ang drayber ng van na si Jose Valdez at apat pa niyang kasama sa sasakyan. Maging ang drayber ng trak na nakilalang si Jesus Manalo, ay nagtamo rin ng sugat. Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing masama raw ang pakiramdam ni Valdez kaya hindi niya napansin ang motorsiklo. “Nagkaroon yata ng ‘di magandang karamdaman ang driver ng van, tapos nung nahimasmasan, nasa harap na niya ang motor. Accordingly, iniwasan pa niya, pero nahagip pa rin," ayon kay P/Insp. Alfredo Mangrobang, Deputy Chief of Police, Camiling, Tarlac. Dahil sa lakas ng banggaan, malaki ang naging pinsala sa van at hindi naging madali ang pag-alis sa ibang biktima na naipit sa sasakyan. Pinag-uusapan na umano ng mga sangkot sa aksidente ang kani-kanilang pananagutan. – ASTulagan/GLCalicdan/FRJ, GMA News