Kalayaang nakamit sa 1986 EDSA 1 revolt, 'di raw naging daan sa pag-unlad ng bansa
Umaasa ang lider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi gagamitin sa pansariling interes ang paggunita ng 1986 EDSA People Power 1 Revolution ngayong taon. Sa halip na gamitin sa personal na kapakinabangan, nanawagan si CBCP President Cebu Archbishop Jose Palma sa pamahalaan at iba pang sektor, na ang ika-26 na taong selebrasyon ngayong 2012 ay gamitin para magbigay ng bagong pag-asa sa mga tao. Sa halip na sarili ang isipin, sinabi ni Palma sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules, na dapat gamitin ang okasyon sa pagtulong sa kapwa. Ayon sa arsobispo, dapat ipagmalaki ng mga Pilipino ang naganap na “bloodless revolution," dahil dito ay naipakita sa mundo ng mga Pinoy ang pagiging mabuting tagasunod natin sa utos ng Panginoon. Bukod dito, naipakita rin ng mga mamamayan ang pagkakaisa at pagpapahalaga sa kapwa. “When we look back and rejoice that we have won the freedom, we should thank the Lord for winning our freedom without bloodshed," ani Palma. Gayunman, aminado si Palma na ang nakamit na kalayaan sa EDSA I ay hindi nagresulta upang mapaganda ang pamumuhay sa mga mamamayan. Sinabi ng arsobispo na malaking hamon pa rin sa mga lider ng bansa kung papaano gagamitin ang nakamit na kalayaan upang mapaunlad ang pamumuhay ang mga mamamayan na mayroong dignidad. - MP/FRJ, GMA News