ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

HS student, patay sa pananaksak sa loob ng eskwelahan sa Bulacan


Patay sa pananaksak sa loob ng paaralan ang isang 14-anyos na mag-aaral ng Marcelo H. Del Pilar National High School (MHDPNHS) sa Malolos, Bulacan. Nadakip naman ang suspek na isa ring menor de edad at estudyante ng nabanggit na eskuwelahan. Kinilala ang nasawi na si Jericho Fuellas, 14-anyos, 3rd year HS student, at nakatira sa Brgy. Longos, Malolos. Isa pang 17-anyos na estudyante ang sugatan sa naturang kaguluhan. Nadakip naman ang suspek na 16-anyos na estudyante rin ng MHDPNHS. Nasa kostudiya na siya ng City Social Welfare Development Office (CSWDO). Ayon kay Supt. David Poklay, hepe ng Malolos police, naganap ang kaguluhan dakong 4:00 p.m. sa Building B, Room 228 ng MHDPNHS. Lumitaw umano sa imbestigasyon na nasa Room 228 ang biktima at mga kaklase nito habang hinihintay ang kanilang guro nang dumating 16-anyos na suspek at ilang kasamahan. Hinihinala ng pulisya na babae ang pinagmulan ng kaguluhan, samantalang ilang mag-aaral ang naniniwala na gang war ang naganap na patayan. Ayon kay Poklay, personal na alitan ang nakikita nilang dahilan ng patayan at walang ebidensiya na nagpapakita na isa itong kaso ng gang war. Pero sa Facebook Group ng mga mag-aaral at alumni ng MHDPNHS, kinondena nila ang karahasan na dulot umano ng mga gang sa paaralan. - RRamos/FRJ, GMA News