Dike sa Pototan, Iloilo, nilalamon ng ilog; Ilang residente, pinalilipat ng bahay
Inirekomenda ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region VI ang relokasyon ng ilang pamilya na nakatira malapit sa isang dike sa Brgy Gibuangan, Pototan sa Iloilo. Ang rekomendasyon ay ginawa ng MGB matapos nilang suriin ang sitwasyon sa lugar kung saan patuloy na nilalamon ng ilog ang dike na malapit sa ilang kabahayan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing Hunyo 2008 nang tumama ang bagyong "Frank" sa Pototan. Magmula noon ay lalong lumala ang sitwasyon at unti-unting lumawak ang ilog sa Brgy Gibuangan. Ayon sa mga residente, kapag umuulan ay madaling tumataas ang tubig sa ilog na lumalamon sa dike. Nangangamba sila na baka tuluyang gumuho ang lupa kung saan natirik ang kanilang mga bahay. Sinabi naman ni Cadaminda Ebrona, barangay captain, nangangamba siya na baka may madisgrasya sa patuloy na pagguho ng lupa. Wala na rin umano madaanan ang mga mag-aaral na nanggagaling Calayan patungong Guibuangan. Si Jessica Guaresmo, residente sa lugar, sinabing iniiwan nila ang kanilang bahay kapag umuulan sa takot na baka tumaas ang tubig sa ilog. Inihayag naman ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo na naghahanap na sila ng paglilipatan ng mga nakatira malapit sa dike. -- FRJ, GMA News