Ateneo Law School grad nanguna sa 2011 Bar exams
Graduate ng Ateneo Law School ang nanguna sa 1,913 examinees na nakapasa sa 2011 Bar examinations na isinagawa noong Nobyembre. Mula sa 5,990 law graduates na kumuha ng pagsusulit, 31.95 percent lamang nito ang pumasa — ang ikalawang pinakamataas na passing rate mula noong 2000. Higit na mataas ito sa 20.26 percent passing rate noong 2010. Walang namang napasamang UP law graduate sa Top 10, hindi gaya noong 2010 Bar exams kung saan tatlong UP law graduates ang pinalad na mapasama sa 10. Mayroon namang dalawang graduates mula San Beda College Law School ang napasama sa Top 10. May markang 85.536 percent, topnotcher sa pagsusulit si Raoul Angelo Atadero , 27. Kabilang sa Top 10 ay sina: 2. Luz Danielle Bolong (Ateneo Law School) - 84.5563 3. Cherry Rafal-Roble (Arellano University) - 84.4550 4. Rosemil Banaga (Notre Dame University) - 84.1226 5. Christian Louie Gonzales (University of Sto. Tomas) - 84.0938 6. Ivan Bandal (Silliman University) - 84.0901 7. Eireene Xina Acosta (San Beda College) - 84.0663 8. Irene Marie Qua (Ateneo Law School) - 84.0575 9. Elaine Marie Laceda (FEU-DLSU) - 84.0401 10. Rodolfo Aquino (San Beda College) - 83.7276 Inilabas ng Supreme Court ang listahan ng lahat ng mga nakapasa nitong Miyerkules ng hapon. Topnotcher, nagulat sa resulta Ayon kay Atadero, hindi siya pumasok sa trabaho ngayong araw para hintayin ang resulta ng exams. Si Atadero ay kasalukuyang legal assistant sa Puno & Puno Law Offices. Aniya, kasama niya ang kanyang ina nang lumabas ang resulta sa telebisyon. Kuwento niya, napasigaw ang kanyang ina nang malaman na siya ang topnotcher. Maging siya raw mismo ay hindi makapaniwala sa nangyari. "I was really surprised honestly. I didn't think I did well. Some parts of the exam were difficut. I really found them difficut," ani Atadero sa panayam ng GMA News Online. "All our years in law school, na-train kami sa essays. Even my classmates were all unfamiliar with it [the new format]," aniya. Nang tinanong kung may plano siyang ipagdiwang ang kanyang tagumpay kasama ang kanyang pamilya, sumagot si Atadero na: "Siguro. Pero tatapusin ko muna siguro yung mga ganitong media interviews." - Amanda Fernandez/KBK, GMA News