ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Gatdula, ipinatawag ng DOJ upang imbestigahan sa umano'y kidnapping
Naghain ang Justice Department nitong Huwebes ng subpoena laban kay dating National Bureau of Investigation (NBI) director Magtanggol Gatdula kaugnay sa kasong kidnapping na inihain ng isang Japanese national laban sa kanya.
Sa isang-pahinang subpoena, inatasan ng DOJ si Gatdula na dumalo sa preliminary investigation na magaganap sa ikatlong palapag ng Multi-Purpose Building sa gusali ng DOJ sa Padre Faura Manila sa Marso 12.
Pinirmahan nina Assistant State Prosecutors Juan Pedro Navera, Irwin Maraya, at Hazel Decena-Valdez ang nasabing subpoena.
"Under and by virtue of the authority vested in us by law, you are hereby summoned to appear... in connection with the preliminary investigation," nakasaad sa subpoena.
Inatasan si Gatdula na ihanda ang kanyang counter-affidavit at ang mga testigo at supporting documents na planong ihain ng kanyang kampo sa imbestigasyon.
"You are hereby warned that failure on your part to comply with this subpoena shall be considered as waiver to present your defense in this preliminary investigation and the case shall be considered submitted for resolution based on complainant's evidence only," ani DOJ.
Inaresto umano ng mga NBI agent noong Oktubre 20, 2011 sa Pangasinan si Noriyo Ohara, isang Japanese national na dumating sa Pilipinas noong 2009 at gumamit ng Filipino identity.
Kapalit ng kanyang kalayaan, humiling umano ang mga NBI agents ng P15 milyon mula sa foster familya na kumupkop sa 33-taong gulang na Ohara noong nanatili pa siya sa Pilipinas. Sa kaluanan, binaba sa P6 milyon ang kanilang hiling.
Nauna nang natapos ang imbestigasyon ng DOJ fact-finding panel at agad na inirekomenda ang pagsampa ng kaso laban sa ilang NBI agents. Mula sa imbestigasyon ng DOJ panel sa kaso, nakatagpo sila ng ilang "disturbing allegations and facts" laban kay Gatdula para sa kanyang "actions, inaction, and reactions" sa extortion na insidente.
Ayon sa DOJ panel, nakatulong sa imbestigasyon ang naging pahayag ni NBI security and management division director Jose Odelon Cabillan, kung saan kanyang inihayag na "tinakpan" umano ni Gatdula ang operasyon ng mga NBI agent na kumuha ng pera mula kay Ohara.
Nauna nang naghain ng temporary restraining order ang Manila court laban kay Gatdula matapos magrekomenda ang fact-finding commitee.
Sa kabila ng TRO, pinagpatuloy pa rin ng DOJ ang preliminary investigation sapagkat magka-iba ang imbestigasyon sa hiwalay na reklamo ni Ohara.
Ayon DOJ, sakop lamang ng TRO ang finding mula sa fact-finding committee at hindi sa hiwalay na kaso na inihain ng Japanese national. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular