ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Miriam hindi muna manunumpa bilang ICC judge sa March 9


Bunsod ng kanyang health condition, hiniling ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa International Criminal Court na ipagpaliban na muna ang nakatakda niyang oath-taking sa March 9.   "Just to make sure that I shall be physically fit when I transfer residence and office to The Hague, I have already made known to the ICC president my request that of the six new judges, if possible I should be the last one to be called for duty," ani Santiago sa isang  pahayag.   Nitong Disyembre, nanguna si Santiago sa botohan para sa anim na bagong hurado ng ICC. Ginanap ang botohan sa opisina ng United Nations sa New York. Dahil pumayag naman daw ang ICC, sinabi ni Santiago na hindi niya muna bibitiwan ang Senado, na kasalukuyang tumatayong impeachment court para sa paglilitis kay Chief Justice Renato Corona.   "In all probability, I shall be able to vote at the impeachment trial by about May," aniya. Hypertension, lazy bone marrow Ayon kay Santiago, lumala ang kanyang hypertension nitong Miyerkules matapos ang sagutan nila ni Atty. Vitaliano Aguirre II, private prosecutor sa impeachment trial. Tumaas ang kanyang hight blood pressure sa 190/90, mula sa normal blood pressure na 120/80. Matatandaang nagkasagutan sina Santiago at Aguirre habang nasa trial matapos takpan ni Aguirre ang kanyang tenga habang nagsasalita si Santiago sa podium. Dahil dito, na-cite for contempt ng impeachment court si Aguirre. Ayon kay Santiago, mayroon din siyang chronic condition na tinatawag na "lazy bone marrow," kung saan bumababa ang kanyang blood count. Dahil sa stress dulot ng paglilitis, nangangailangan siya ng weekly injection. Oath-taking Nakatakda ang oath-taking ng anim na mga bagong hurado ng ICC, kabilang na si Santiago, sa darating na Marso 9, matapos suma-ilalim sa tatlong araw na seminar sa ICC. Matapos ang seminar, nakatakdang bumalik ang mga hukom sa kanilang mga bansa at hintayin ang tawag ng ICC. Inatasan din ng ICC ang mga panibagong hukom na huwag munang bitiwan ang kanilang mga posisyon sa kanilang mga bansa, sapagkat hindi pa alam ng ICC kung kailan sila ipapatawag sa The Hague. "Under the ICC rules, an outgoing judge is required to continue working even past retirement age, until all pending cases where the judge has participated have been finished," ayon sa isang news release mula sa opisina ni Santigao. Sapagkat hindi pa masabi ng ICC kung kailan magtatapos ang isang partikular na pagdinig, hindi agad na matutukoy ng hukom kung kailan sila maaaring mag-retire. Dagdag nito, kinakailangan pang maghintay ng bagong hukom ng mahigit anim na buwan, o mas matagal, bago magkaroon ng vacancy. – Amanda Fernandez/KBK, GMA News