ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bolinao, handa na sa pagdating mga turista at bakasyunista ngayong summer


Handang-handa na ang lokal na pamahalaan ng Bolinao, Pangasinan sa pagdating ng mga turista at bakasyunista sa kanilang lugar ngayon ng summer. Taun-taon, umaabot sa 20,000 katao ang naitatalang tourist arrival sa Bolinao, na karamihan ay dumadagsa tuwing summer season dahil sa mga tourist destination sa bayan. Kabilang sa mga pwedeng puntahan dito ay ang 357 feet na Cape Bojeador lighthouse sa barangay Patar. Isa ito sa makasaysayang British American-Filipino architecture sa Luzon. Tiyak na makapapawi naman ng mainit na panahon ang tatlong caves sa Bolinao – ang Enchanted cave, Cindys cave, at ang Wonderful cave. Perfect for swimming naman ang Patar beach sa Bolinao. Pino at puti ang buhangin dito kaya binabalik-balikan ng marami. Ngayon pa lang, marami nang hotel at resort na malapit sa mga tourist destination ang fully-booked na. “Kasi marami ang nahuhumaling dahil parang Boracay ang dagat namin. May available (na roomes) pa pero malayo na sa tourist spots," ayon kay Diosa Acenas, kawani sa Tourism office. Dinarayo rin sa Bolinao ang St. James Parish sa Poblacion. Puspusan na ang ginagawang pagkukumpuni sa ilang bahagi ng simbahan dahil marupok na ang haligi nito bunga ng kalumaan. Ang naturang simbahan ay tinatayang 400 taon na. Kinikilala itong pinaka-lumang simbahan sa Pangasinan. Maramihan na rin ang paggawa ng kakaning “binungey" o sumam sa kawayan na ipinagmamalaki ng Bolinao. Samu’t-saring souvenirs na rin ang mabibili sa tourism office para tiyaking may maiuuwing memorabilia ang mga taong papasyal sa Bolinao. Pinayuhan naman ni Police Chief Insp. Noriel Rombaoa, chief of police ng Bolinao, ang mga turista na tiyakin lagi na naka-secure palagi ang kanilang mga gamit at tutuluyan para maiwasan ang mga aberya. -- JArcellana/BMercado/FRJ, GMA News

Tags: bolinao, summer