Dayuhang 'Negro' na nakipaglaban para sa Pilipinas
Kilala niyo ba kung sino ang sundalong African-American na tinalikuran ang kanyang mga kababayang mananakop at sumama sa kilusan ng mga Pinoy na lumalaban para sa kalayaan ng Pilipinas? Sa pagsakop ng US sa Pilipinas noong 1899, kabilang ang mga sundalong African-American sa mga ipinadala nila sa bansa upang sugpuin ang puwersa ng mga rebolusyunaryong Pilipino. Kabilang sa mga sundalong African-American na ito ay si Corporal David Fagen, na hindi nagtagal ay nag-aklas sa kanyang tropa at sumama sa puwersa ng mga Pilipino. Sinasabing hindi malinaw kung ano talaga ang nagtulak kay Fagen para kumampi sa mga Pilipino. Ilan sa mga pinapaniwalaang dahilan ay hindi umano maganda ang trato sa mga African-American soldier o kaya naman ay nadadama rin nila ang racial oppression na ginagawa sa mga Pinoy. Naging malaking tulong sa mga mandirigmang Pinoy ang pagsama ni Fagen sa hanay ng mga guerilla. Nagdulot siya ng matinding pinsala sa mga sundalong Amerikano kaya binansagan siya ng kung ano-ano gaya ng bobo, ingrato at iba pang masasakit na salita. Nagbigay din ng malaking pabuya ang US para sa kanyang ikadarakip. Nang sumuko ang ilang lider ng rebolusyonaryong Pinoy, kabilang sa hiningi nilang kondisyon sa US ay bigyan ng amnestiya si Fagen. Ngunit matindi ang galit ng US sa ginawa ni Fagen at idineklara siyang traydor, na dapat umanong ma-court martial at mahatulan ng kamatayan. Sa paglipas ng panahon, hindi nadakip si Fagen na patuloy na nagtago sa kagubatan ng Luzon kasama ang kanyang naging misis na Pinay. Hanggang noong 1901, isang Pinoy hunter na nagngangalang Anastacio Bartolome ang nagtungo sa isang kampo ng mga Amerikano at ipinakita ang isang ulo ng naagnas na “negro" na tinukoy niyang si Fagen. Dahil hindi nakumpirma kung si Fagen talaga ang dala ni Bartolome, nagkaroon ng mga espekulasyon na nabuhay ang bayaning dayuhan kasama ang kanyang pamilya sa kabundukan ng bansang kanyang ipinaglaban. - FRJimenez, GMA News