ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Iggy Arroyo nailibing na sa Manila North Cemetery


Matapos magbigay ng huling pagpupugay ang mga honor guard, inilibing na sa North Cemetery sa Maynila ang mga labi ni Negros Occidental Rep. Ignacio "Iggy" Arroyo Jr. nitong Biyernes ng hapon. Nakababad man sa matinding init ng araw, taimtim na namaalam ang pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan ng mambabatas, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa dzBB. Naroon din ang biyuda ng kongresista na si Aleli Arroyo at ang nakatatandang kapatid nito na si dating Unang Ginoong Jose Miguel Arroyo sa paghatid kay Iggy sa kanyang huling hantungan, ayon sa ulat. Dagdag pa nito, nagpalakpakan umano ang mga kamag-anak ng yumaong kongresista matapos maipasok ang ataul nito sa kanyang nitso. Namatay si Iggy noong Enero sa London dahil sa sakit, ngunit naiuwi ang kanyang mga labi sa bansa noong Pebrero lamang. Nitong Biyernes nang umaga, isang Misa ang ginanap para kay Arroyo sa kanilang bahay sa La Vista subdivision sa Quezon City. Nakadalo sa funeral Mass si dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo ngunit hindi na ito nakasama pa sa libing dahil hindi pinaunlakan ng Pasay City Court ang hiling nitong makikipaglibing sa kanyang bayaw. Matapos ang Misa, ibinalik na si Gng. Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center kung saan siya pansamatalang naka-detain dahil sa kasong electoral sabotage. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News