ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kriminalidad sa bansa, nakababahala na, ayon sa dating lider ng CBCP


Kinalampag ng isang Arsobispo ng Simbahang Katoliko ang pamahalaang Aquino kaugnay sa umano’y lumalalang sitwasyon ng kriminalidad sa bansa. Panawagan ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, dapat pakilusin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang kanyang anti-crime czar na si Executive Secretary Paquito “Jojo" Ochoa. Sinabi ng arsobispo na lubhang nababahala na ang mga tao at natatakot para sa kanilang seguridad at kaligtasan dahil sa mga nagaganap na krimen, na ang iba ay mismong alagad ng batas ang sangkot. Ginawa niyang halimbawa ang sunod-sunod na krimen sa Laguna at pagpatay sa isang negosyanteng babae na itinago ang bangkay sa septic tank. Lumilitaw na mga pulis ang pangunahing suspek sa pagpatay sa naturang negosyante. Nitong Miyerkules, pinaslang sa Sampaloc, Maynila ang mag-asawang pulitiko mula sa Pangasinan. “Isa sa mga impact na nakikita ko sa publiko sa mga krimen na nagaganap sa bansa, para bagang may mga tao na manhid na sa mga nangyayari sa ating lipunan. ‘Di maiwasan na mangamba ang tao sa kanilang kaligtasan dahil mismong mga awtoridad pa ang nasasangkot sa krimen," pahayag ni Lagdameo sa panayam ng Radio Veritas nitong Biyernes. “Sana buksan natin ang ating damdamin at mga mata upang makita natin ang kasamaan at dapat nating baguhin," dagdag ng arsobispo kasabay ng panawagan sa anti-crime czar ni Aquino na si Ochoa na tutukan at tugunan problema sa kriminalidad. Binatikos din ni Atty. Au Santiago, presidente ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, si Ochoa na wala umanong ginagawang aksyon laban sa kriminalidad gayung binigayan ng titulo na anti-crime czar. - MP/FRJ, GMA News