Umaabot umano sa 31 uri ng baril ang pag-aari ni Chief Justice Renato Corona, batay sa listahang nakuha sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police (PNP). Napag-alaman ng GMA News sa FAO-PNP, na nagkaroon ng mga lisensyadong baril si Corona mula noong 1997. Kasama rito ang 18 pistola, anim na rebolber, dalawang machine pistol, dalawang shotgun, isang sub-machinegun, isang high-powered rifle, at isang carbine. Mayroon din siyang Uzi, Beretta, at Glock, na kilalang uri ng mga baril. Sa naturang bilang, dalawang baril na lamang umano ang hindi pa paso ang lisensya: isang .380-caliber pistol na may bisa pa hanggang Oktubre 15, 2015 (Lic. No. 374-2900); at 9mm machine pistol (T0624-07V0060978), na hanggang Oktubre 15, 2014 pa ang bisa ng lisensiya. Ayon sa abogado ni Corona na si Ramon Esguerra, hindi niya alam ang bilang ng mga armas na pagmamay-ari ng kanyang kliyente. Kapansin-pansin na hindi nakalista ang mga baril sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), ng punong mahistrado na kabilang sa mga sinisilip sa House Prosecution Panel sa kinakaharap nitong paglilitis sa Senate Impeachment Court. Sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV, pinuno ng Senate committee on civil service and government reorganization, na dapat idinedeklara sa SALN ang mga armas. "What is required is the aggregate amount of all personal properties of significant value such as jewelry, watches, appliances, furniture, etc. Although not specifically required, it should include firearms," ayon sa senador. Hindi man ilista ang mga baril sa “Personal and other properties," sinabi ni Trillanes na kailangang isama ang halaga ng mga ito sa kabuuang ari-arian. Sa pagsusuri ng GMA News, napag-alaman na simula ng 1990s hanggang nitong 2005, idinedeklara ni Corona ang "cash investment and jewelry" sa ilalim ng "Personal and Other Properties." Simula 2006 hanggang sa kasalukuyan, nakapaloob sa "cash investment and jewelry, etc.," ang iba pa niyang ari-arian ni Corona. Taun-taon, umaabot lamang sa P1,000,000 ang inilalagay ni Corona sa ilalim ng talaang “jewelry, etc."

Napag-alaman sa FAO-PNP, na nagkaroon ng mga lisensyadong baril si Corona mula noong 1997. Kasama rito ang 18 pistola, anim na rebolber, dalawang machine pistol, dalawang shotgun, isang sub-machinegun, isang high-powered rifle, at isang carbine. (***Larawan lamang ito ng ilang kalibre ng baril na nabanggit, at hindi mismong mga baril na umano'y pag-aari ni Corona.) Composite image by Joe Galvez
Nanutok daw ng baril Noong 1997, inakusahan ng 83-anyos na si Pedro Aguilon na tinutukan siya ng baril ni Corona. Nag-ugat umano ang insidente nang pag-interasan ng punong mahistrado ang mga kayamanan na pag-aari ng angkan ng kanyang misis na si Gng Cristina Corona, partikular ang “Basa-Guidote Enterprises Inc." Isa sa mga pag-aari ng kumpanya ay ang isang lote sa Sampaloc, Maynila, kung saan nakatirik ang bahay ng pamilya Aguilon -- ang tagapamahala ng lupa. Sa sinumpaang salaysay ni Aguilon, sinabi nito na nais ng pamilya Corona na ipagiba ang kanilang bahay noong 1997. Ito umano ang panahon na tinutukan siya ni Corona ng baril at nagsabing: “Baka gusto mong pasabugin kita." Nang panahong iyon, si Corona ay isa mga abogado ng pamahalaan ni dating Pangulong Fidel Ramos. Sa isang ulat naman Philippine Daily Inquirer, idinetalye ni Ana Basa, pinsan ni Gng. Corona, kung papaano napasakamay umano ng mag-asawang Corona ang kanilang ari-arian. Inakusahan ni Basa ang punong mahistrado na ginamit ang koneksiyon nito at impluwensiya para maagaw ang kayamanan ng kanilang angkan. Idinagdag niya na matagal na umanong itinatanong ng kanyang pamilya kay Gng Corona ang tungkol sa mga ari-arian ng pamilya. Si Gng. Corona umano ang itinalagang administrador ng kompanyang Basa-Guidote Enterprises Inc., na itinatag ng kanilang angkan noong 1960s. Sa naunang mga pahayag ng punong mahistrado, ipinaliwanag nito na ang mga milyones sa kanyang bank accounts ay nagmula sa pagkakabenta ng ari-arian ng kanyang pamilya. Naungkat ang mga bank account ni Corona dahil sa kinaharap nitong impeachment trial sa Senado. Iginiit din ni Corona na luma at matagal nang usapin ang paghahabol ng mga Basa sa ari-arian. Idinagdag niya na nakuha na ng mga ito ang mga parte nila sa naturang ari-arian. Sa kanyang pahayag naman sa GMA news “Unang Hirit" nitong Miyerkules, pinabulaanan ni Corona na tinutukan niya ng baril si Aguilon. "Walang nangyaring panunutok ng baril. Hindi po ako kilala bilang mainitin ang ulo," paliwanag niya. "Meron akong baril pero hindi ko ito dinadala," dagdag pa niya.
Listahan ng baril Narito ang listahan ng mga baril umano ni Corona, batay sa talaan ng PNP: .45-cal revolver (DAN1906) .38-cal revolver (A40241) .22-cal revolver (CJS2753) .38-cal revolver (88676) .22-cal revolver (145560) .22-cal revolver (UD93691) .32-cal pistol (DAA096492) .380-cal pistol (374-29000) .45-cal pistol (748851) .45-calpistol (1678782) .22-cal pistol (1948) .45-cal pistol (92456B70) 9mm pistol (AS335) .40-cal pistol (DLB531) .45-cal pistol M37 (GDV758) .40-cal pistol (QL1431) .45-cal pistol (RK6887) .45-cal pistol (SN24969E) .45-cal pistol (WF3557) .45-cal pistol (BL32370) .45-cal pistol (DHZ878) .45-cal pistol (KPA11832) .45-cal frame (BL31184) .45-cal frame (PG005068) 9mm machine pistol (T0624-07V0060978) 9mm machine pistol (SR01121) 12GA shotgun (M450399) 12GA shotgun (RC101548) 9mm submachine gun MK9 (P0580) 556 high-powered rifle (4951938) 30-cal carbine (7243757). --
Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News