ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paggamit ng wikang kinagisnan sa mga paaralan, ipatutupad na


Tuluyan nang ipatutupad sa darating na akademikong taon ang mother-tongue-based multilingual education program (MTB-MLE) o ang paggamit ng wikang kinagisnan sa pagtuturo.
 
Sa ulat ni Tricia Zafra para sa "News To Go" ng GMA News TV, inihayag ni Dr. Rosalina Villaneza ng Department of Education (DepEd) na kanila nang pinaghahandaan ang pagpapatupad ng MTB-MLE sa buong bansa.
 
Ayon kay Villaneza, "'Yung learning materials, inihahanda na namin sa 12 major languages na gagamitin. We are now in the process of finalizing all these materials to be given."
 
Sakop ng MTB-MLE ang mga lenggwaheng:  
  • Tagalog,
  • Kapampangan,
  • Pangasinense,
  • Iloko,
  • Bikol,
  • Cebuano,
  • Hiligaynon,
  • Waray,
  • Tausug,
  • Maguindanaoan,
  • Maranao, at
  • Chabacano.
 
Giit ni Villaneza, mas maiintindihan ang mga aralin kapag ang first language (L1) ng mga mag-aaral ang gagamitin sa kanilang leksyon.
 
"Magiging meaningful ang learning ng bata kung nasa konteksto niya ang pinag-uusapan. We don't limit but we have to start where the students are," aniya.
 
 
Pioneer schools
 
Sa utos ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ipinatupad ang Department of Education (DepEd) Order 74 noong 2009 upang maipanukala ang paggamit ng wikang kinagisnan sa pagtuturo.
 
Nauna nang ipinatupad ang MTB-MLE sa 921 paaralan sa bansa bilang pioneer sa programa.
 
Sa naunang panayam ng GMA News Online kay Villaneza, kanyang inihayag na: "Na-implement namin last year sa 921 schools. Sila 'yung mga pioneering schools natin all over the country... Sa mga pioneer schools, doon tayo natututo what worked and what didn't. Then we have to improve on it."
 
Dagdag pa niya, "'Yung mga pioneering school, matagal na naming na-train ['yung mga guro] kasi noong lumabas ang DepEd Order 74, we gathered all the materials and existing experiences ng mga schools na nag-implement ng lingua franca. Tapos nag-prepare, tapos nagkaroon ng teachers training noong 2010. Tapos nag-implement noong 2011-2012 sa pioneer."
 
Isasagawa ang training para sa Grade I teachers ngayong darating na bakasyon bago ang pasukan.
 
"So ngayon naman, dahil magne-nationwide na tayo, kailangang ma-train 'yung Grade I teachers this summer." — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News