Navotas Rep. Tobias Tiangco, bayani ba o traydor?
Sa kabila ng “paalala" ng liderato ng Kamara de Representantes, sumalang pa rin si Navotas Rep Tobias "Toby" Tiangco bilang testigo ng depensa ni Chief Justice Renato Corona sa ginaganap na impeachment trial sa Senado. Sa naturang pagsalang ni Tiangco sa witness stand, iginiit niya na hindi dumaan sa tamang proseso ang pag-impeach kay Corona kaya hindi siya pumirma sa reklamo laban sa punong mahistrado. Idinawit din niya ang kanilang Priority Development Assistance Fund—mas kilala bilang pork barrel fund—na paraan upang mapapirma ang mga kongresista sa reklamo laban kay Corona. Sa nakaraang panayam ni Jessica Soho sa State of the Nation (SONA) ng GMA News TV nitong Martes, March 13, iginiit ni Tiangco na handa niyang harapin ang anumang buwelta na gagawin sa kanya ng liderato ng kapulungan. Inamin din ni Tiangco na kinabahan siya nang ihalintulad siya ni Sen Miriam Santiago sa “iconoclast," dahil hindi niya alam kung masama o maganda ang kahulugan nito. Narito ang kanilang talakayan: Jessica: Ano ho ang nararamdaman niyo rito sa sitwasyon niyo o predicament niyo na sabi ho Sen Santiago pwede kayong tingnan na hero, pwede rin kayong tingnan na heel lalo ng mga kasamahan niyo sa Kongreso. Tiangco: Wala naman ho tayong balak na maging hero o heel. Ang gusto lang nating malaman ng mga tao ay yung katotohanang nangyari. Jessica: Okey hero po kaya sa ilan pero sa mga kasama niyo sa Kongreso pwede kayong tawaging traydor. Wala ho ba kayong sintemyento diyan congressman? Tiangco: Ang sinabi ko ho ay katotohanan. Ibig sabihin kung ikaw ay magsiwalat ng katotohanan masama ba ‘yon? Jessica: Is this the first time na nangyari ho ito? Tiangco: Opo. Jessica: Sabi ho nila pwede kayong ma-expel. Tiangco: Ang nagsasabi ho niyan si Majority Leader (Neptali) Gonzales (II). Alam niyo, siya ho ang dapat na i-expel kasi hindi ba’t siya’y abogado, alam niya dapat na hindi mo dapat tini- threaten ang witness. Sinabi niya ho ‘yan one day before ako mag-witness doon sa Senado. So you never threaten a witness. Jessica: Pero in case ho na tuluyan kayo… na they file a complaint sa inyo sa Ethics Committee po ba ‘yon, ano ang gagawin niyo? Tiangco: Haharapin ko pero tatanungin ko siguro. Jessica nakita mo naman ang testimony ko, was there anything unethical in my testimony? Jessica: Sabi nila mayroon kasi you went against the majority. Tiangco: 'Di ba sa demokrasya lahat naman tayo pwedeng magsabi ng sariling paninindigan lalong-lalo na kung ito’y katotohanan. Jessica: Ano ang feedback na nakuha niyo lalo na sa inyong mga constituents? Tiangco: Siyempre lahat aprub sila dahil kilala nila ako na hindi ako pwedeng baluktutin, hindi ako pwedeng pilitin na gumawa ng mali. At ang siniwalat ko lang ay yung totoong nangyari. Kaya nga sabi ko, ang masama kung nagsinungaling ako. Ngayon kung may magsasabing nagsinungaling ako, sana ho pumunta rin sila sa Senado voluntarily gaya ng ginawa ko. Mag-under oath at sabihin nila yung katotohanan ayon sa kanila. Pero kung hindi nila kaya ‘yon, ibig sabihin yung akin ho ang katotohanan. Jessica: Are you ready for the consequences congressman? Tiangco: Siyempre kailangan balansehan natin kung ano talaga ang mas mahalaga. Maaaring mapahirapan tayo kaya lang kung ang kapalit naman nun ay katotohanan, eh siguro dun tayo sa katotohanan. Jessica: Bakit kaya nung una sinabi ni Congressman (Hermilando) Mandanas and I think Congressman (Crispin) Remulla, na willing din silang mag-testify. Pero as of now ayaw na nila, kailangan daw ng subpoena o invitation from the Senate. Tiangco: Iba ho kasi ang sitwayon namin nina Congressman Mandanas at Congressman Remulla, dahil ako ho nag-privilege speech ako nung December 13. So nang mag-privilege speech ako, kailangan kong patunayan na hindi ako tumatago sa parliamentary immunity. So the best thing to do is that to go to the Senate and swear under oath. That I’m telling the truth and nothing but the truth. Alam niyo halatang they wanted… gusto lang akong i-harass ni Congressman Gonzales. Lahat ho nang sinabi ko sa Senado, nasabi ko na ‘yan sa privilege speech ko nung Dec 13. So, kung sinasabi nilang may mali sa pagsiwalat ko ng mga impormasyon, dapat nung Dec 13 pa lang sinabi na nila na dapat ma-ethics committee ako. Wala namang iba sa sinabi ko nung privilege speech saka sa testimony ko kahapon. So the fact na lumabas ‘yan nung Linggo, na gusto niyang sabihin na mae-ethics committee ako, ang gusto lang niyang sabihin noon ay warningan ako, takutin ako, duruin ako bago ako mag-testify. So, sino ho sa amin ang dapat makasuhan sa ethics committee, ako ba ho o siya? Siya nga sa tingin ko dapat ma-disbar pa. Jessica: Ano ho ang katayuan niyo ngayon sa Lower House, sa Kongreso. Miyembro kayo ng majority pero hindi na nga ho kayo okey. Tiangco: Nung nag-privilege po ako nung Dec 13 nag-resign ho ako boluntaryo sa majority dahil hindi ko nagustuhan yung ginawa nung liderato. Hindi ho ng mga kasama ko, kung hindi yung ginawa ng liderato. Jessica: Ano po kaya ngayon, minority o independent o partylist? Tiangco: Independent ho ako magmula noong Dec 13. Ibig kong sabihin na independent, I’m not a member of the majority, I’m not a member of the minority. But I remain under the PMP sa Pwersa ng Masang Pilipino. Jessica: Dun po sa mga video sa Senado sa impeachment trial, may mga kumakausap sa inyo na congressmen pa rin. Mukhang okey pa kayo pero yung iba hindi kayo kinakausap. Mukhang may kumakampi sa inyo at hindi kumakampi sa’yo. Tiangco: Base sa mga nakakausap ko sa House nakita mo naman yung prosecution okey naman kami ng prosecution. Hindi ko alam kung nakita pa nang station niyo yung video nagbibiruan pa kami ni Cong Miro Quimbo, si Sonny Angara nagkita kami, si Niel Tupas nagkita kami, okey naman kami. Alam niyo si Congressman Boyet Gonzales, mas matagal na siya sa’ken sa pulitika, siya dapat ang nakakaalam na walang personalan ‘to. Jessica: Ano ho ang balak niyo from hereon? Tiangco: Balak ho in what sense Jessica? Jessica: Pagpapatuloy niyo ho ba itong pagiging independent at sa mga susunod na eleksyon tatakbo ba kayo sa pagka- congressman kahit pa parang may gusot ngayon sa mga kasama niyo. Tiangco: Kung napanood niyo sa video sa proceedings kanina, nung ako ay crinoss examine ni Honorable Senator-judge Miriam Santiago, tinanong niya sa akin, ‘ano ba ang iyong motibo. Gusto mo ba nang publicity, dahil ikaw ay tatakbo nang higher office?’ Sabi ko ho sa kanya, sinagot ko, na ako’y tatakbo sa 2013 tsaka sa 2016 bilang kongresista ng Navotas. Para mapaglingkuran ko ang aking mga kababayan dun. So, kung hindi okey ang… kung sakaling totoo na hindi okey, ang importante sa akin yung mga constituents kong pinaglilingkuran. Jessica: Ang naalala ko hong sinabi niya, kayo daw ay isang iconoclast. Mukhang pinatutukuyan niya e independent minded kayo. Tama ho ba ang pagkaka-describe sa inyo ni Sen Santiago na ‘yon? Tiangco: Actually nga nung binanggit niya ‘yon kinabahan ako. Dahil sa totoo lang hindi ko alam ang ibig nung iconoclast. Hindi ko alam kung masama ba ‘yon o mabuti. ‘Yon ang unang binanggit niya tungkol sa akin. Jessica: Independent minded ho ba kayo? Tiangco: Opo. Jessica: Ilan ho sa tantiya niyo ang katulad n’yo sa Kongreso? Tiangco: Hindi ko ho alam. I can’t speak for my fellow congressmen. I can only speak for myself. Jessica: Maraming salamat Congressman Toby Tiangco. – FRJimenez, GMA News