ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Cellphone na nag-overheat habang naka-charge, dahilan umano ng sunog


Tinatayang hindi bababa sa P10 milyon ang halaga ng mga ari-arian na natupok sa Tagum, Davao Del Norte. Ang hinihinalang pinagmulan ng sunog, isang cellphone na nag-overheat habang naka-charge. Sa ulat ni Mark Narito para sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing kinain ng apoy ang tinatayang 20 bahay, pitong tindahan, limang boarding house at hindi pa mabilang na mga sasakyan. Ayon kay F/Sr. Insp. Edwin Pelaez, ng Tagum City Fire Marshall, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa combustible materials ang mga kabahayan, bukod sa mga luma na rin ang mga gusali sa Brgy Magugpo West, Tagum City. Nakadagdag din umano sa hirap ng mga bumbero sa pag-apula ng apoy ang malakas na ihip ng hangin. “Pagdating namin natupok na yung bahay namin, wala nang natira. Nasunog din ang konting perang naipon namin at mga bago naming gamit," ayon sa biktimang si Gng Rebecca Andawe. Wala namang nasaktan sa naturang insidente. Nagbigay na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga nasunugan na pansamantalang nanatili sa barangay hall. -- FRJ, GMA News