Krimen na gawa ng mga naka-motorsiklo
Alam niyo ba na dumami ang krimen na naganap sa bansa na kinasasangkutan ng mga tinatawag na “riding-in-tandem" noong 2011 kumpara noong 2010. Batay mismo sa ipinalabas na datos ng Philippine National Police, umabot sa 1,700 krimen ang kinasangkutan ng mga riding-in-tandem noong 2011 sa buong bansa. Mas mataas ito sa 1,565 kaso na naitala naman noong 2010. Sa naturang bilang ng krimen, 2,089 indibidwal ang naging biktima noong 2011, habang 1,819 naman ang naging biktima noong 2010. Bagaman tumaas ang krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem sa buong bansa, lumitaw na bumaba naman ang nabanggit na krimen na naitala sa National Capitol Region -- 374 insidente noong 2011 kontra sa 525 noong 2010. Bukod sa NCR, nakapagtala rin ng pinakamaraming insidente ng krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem ang Central Luzon (Region III), at Central Visayas (Region VII). Umabot sa 791 ang insidente ng krimen sa Central Luzon noong 2011, kontra sa 566 kaso noong 2010. Samantalang mula sa 397 kaso noong 2010 sa Central Visayas, umakyat ito sa 452 noong 2011. -- FRJ, GMA News