Most wanted man sa Ormoc, Leyte, nadakip sa Cebu
Nadakip ng mga awtoridad sa Camotes Island sa Cebu ang Filipino-American na itinuturing most wanted criminal sa Ormoc, Leyte. Nakipagpalitan pa umano ng putok sa mga awtoridad bago nadakip si Ernest Sydney Keeler, 26-anyos, binata, at residente ng Brgy. Sto. Niño, Kananga Leyte. Dahil sa pakikipagbarilan, nagtamo ng isang tama ng bala sa leeg si Keeler, na nahaharap sa dalawang kaso ng murder at robbery with homicide. Mula sa Cebu, dinala si Keeler sa Ormoc District Hospital at kasalukuyang itong naka-confine. Nakuha sa kanyang tinitirhan ang isang Ingram machine pistol na may silencer, at tatlong magazines na puno ng bala; dalawang kalibre 45 baril; dalawang malaking bundle ng marijuana; hinihinalang shabu na nakalagay sa posporo; at mga tseke na pinapaniwalaang pag-aari ng isang negosyante na biktima ng holdap. -- Ronnie Roa/FRJ, GMA News