ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Mrs. Corona: US property, pagmamay-ari ng aming anak
Nagsalita na ang asawa ni impeached Chief Justice Renato Corona nitong Martes laban sa isyung nagmamay-ari umano ang kanyang pamilya ng ari-arian sa United States.
Sa isang panayam na isinagawa matapos ang regular na pagdaraos ng misa sa Supreme Court sa Padre Faura Street sa Manila, inulit ni Cristina Corona ang naunang inihayag ng kanyang asawa na ang kanilang anak na si Charina ang bumili sa tinutukoy na ari-arian sa California noong 2008.
"If my daughter has [property], that's hers," kanyang inihayag sa reporters. "Hindi akin iyon. Hindi amin iyon."
Inihayag ito ni Mrs. Corona matapos maglabas ng blog ang mamamahayag na si Raissa Robles, kung saan kanyang inilahad ang pagbili ni Charina noong Sept. 10, 2008 sa 1,337-square foot property sa Roseville, California. Ayon kay Robles, natuklasan niya ang ari-arian matapos gamitin ang "crowdsourcing."
Ayon kay Robles, bumili si Charina ng ari-arian sa United States noong Sept. 2008, sa loob lamang ng 22 araw bago siya bumili ng isang magarang condominium unit sa The Fort, Taguig City.
Sa kanyang blog, pinagdudahan ni Robles ang financial capability ni Charina upang makabili ng ari-arian sa US at sa magarang condominium unit sa Pilipinas sa 22 araw lamang na pagitan.
Sa text message na kanyang ipinadala sa GMA News Online nitong Linggo, pinabulaanan ni Corona ang balitang may ari-arian ang kanyang pamilya sa US.
Giit ni Corona, nirentahan lamang umano nila ang bahay na tinutukoy ni Robles.
Matatagpuan ang naturang tirahan sa Tampa, Florida at sa isang upscale community sa Mountainview sa California.
Sa impeachment trial ni Corona sa Senado, kinilala si Charina bilang buyer ng unit sa McKinley Hill sa halagang P6.19 milyon. Nakapangalan kay Corona ang mga payment receipts ngunit sa kabila nito, iginiit ng kanyang mga abugado na nagsilbi lamang bilang "in trust" ang punong mahistrado para sa kanyang anak.
Inakusahan si Corona, na malapit kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ng betrayal of public trust at culpable violation ng Constitution.
Kinuwestiyon ng prosecution ang hindi pagsama ng kanilang McKinley Hill property sa statement of assets, liabilities at net worth (SALN) ni Corona.
Sponsored ng Philippine Judicial Academy ang Misa nitong Martes, na pinamunuan ni chancellor, retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna.
Dumalo rin sa misa si Associate Arturo Brion. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular