Umano’y sex den sa Davao City, sinalakay ng NBI; 2 dayuhan, arestado
Anim katao – kabilang ang dalawang dayuhang lalaki – ang dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (Region 11) matapos salakayin ang isang apartment sa Davao City na hinihinalang ginagawang sex den. Sa ulat ng GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon nitong Lunes, kinilala ang mga dayuhang nadakip na sina Ziad Tajouri, isang Tunisian-Lebanese, at Mohammad Jambongan, Fil-Syrian. Marso 21 umano nang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa isang impormanteng nagngangalang Marie, na ginagawang sex den ang isang unit sa two-storey apartment sa Brgy Obrero, Davao City. Matapos ang ilang araw na pagmamanman ng mga operatiba, sinalakay ng mga tauhan ng NBI ang naturang apartment nitong Biyernes. Bukod sa dalawang dayuhan, apat na babae ang inabutan sa apartment, isa sa kanila ay sinasabing kasintahan ng dayuhan. Paliwanag ng mga babae, nasa apartment sila para maki-party lamang. Ngunit ayon kay Atty. Archie Albao, spokesman ng NBI Region 11, kumukuha ng kasabwat ang mga dayuhan para maghanap ng mga babae sa bar at dinadala sa apartment para mag-droga at mag-sex. Sa bahay, nakakuha ng walong pakete ng hinihinalang shabu at walong pakete na naglalaman ng mga hinihinalang ecstasy. Nakakuha rin ng mga drug paraphernalia sa sasakyan ni Tajouri. Mariin namang ipinabulaanan ng dalawang dayuhan ang mga alegasyon laban sa kanila. Nahaharap ang mga nadakip sa paglabag sa Anti-Dangerous Drug Act, at pinag-aaralan din kung dapat silang kasuhan ng human trafficking. -- FRJ, GMA News