Mga nagawang 'pagkakamali', inilahad ni Rep Pacquiao sa pinamunuang Bible study
Ilang buwan bago ang kanyang laban kay American boxer Timothy Bradley, pinamunuan ni Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang isang Bible study nitong Martes sa loob ng GMA Studio 7. Sa pagtitipon, iginiit ni Pacquaio ang kahalagahan ng pagdarasal at meditation. “May purpose tayo dito sa mundo na kailangan natin sundin… When you read the Bible, you will be prosperous and successful. Kailangan natin mag-meditate on God’s Words palagi,” aniya sa harap ng GMA employees na dumalo. “Sheer muscle and willpower alone don’t make anything happen," dagdag pa niya. Nakaraang pagkakamali Sa naganap na pagtitipon, inamin ng boxing champ ang nakaraan niyang mga pagkakamali tulad ng pagsusugal, pag-inom ng alak, at pagkakaroon ng mga affair. Aniya, ibinasura na niya ang kanyang mga bisyo matapos niyang madiskubre ang Panginoon. “The old Manny Pacquiao is gone. The new has come. Alam niyo naman, nagsusugal ako noon. Nag-iinom ako. ‘Yung mga pambababae. ‘Yung mga careless words, nagmumura ako. Nakita niyo naman kung ano ang pagbabago. God knows that I have changed,” aniya. Hindi niya nabanggit ang kontrobersyang kasalukuyan niyang kinakaharap sa paghain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kaso laban sa kanya. "Read the Bible" Ayon kay Pacquaio, nais niyang gamitin ang kanyang kasikatan upang mahikayat ang mga tao na magbasa ng Bible. “Ine-encourage ko ang lahat na magbasa ng Bibliya. Doon sa Bibliya nalaman ko ang lahat… You have to read the Bible to know the truth,” aniya. Kasabay nito, kanyang ikinumpara ang kanyang sarili kay New York Knicks point guard Jeremy Lin at New York Jets quarterback Tim Tebow, sapagkat ipinadala umano silang tatlo ng Panginoon upang tulungan ang mga taong maniwala sa Salita ng Diyos. “Why Jeremy Lin? Why Tim Tebow? Why Manny Pacquiao? Gusto kasi ng Panginoon, gusto Niya na maniwala tayo sa Kanyang salita. Ginagamit Niya ang mga sikat na tao para madami pang madala sa Kingdom of Heaven," aniya. 'Example of change' Ayon naman kay GMA Network chairman at chief executive officer Felipe Gozon, na dumalo rin sa Bible study, buo ang kanyang loob na tuluyan nang naging mas mabuting tao si Pacquaio. “Kaya ako pumunta sa Bible study na ito para makumbinsi ako na tunay ang pagbabago ni Manny Pacquiao… Maganda ang mga sinasabi ni Manny. Naiintindihan niya ang mga sinasabi niya,” aniya sa isang talumpati. Ikinatuwa rin ni Gozon ang paraan ng pagpapaliwanag ni Pacquiao sa Biblical teachings. Aniya, pinasimple ni Pacquiao ang mga turo ng Bibliya. Pinasalamatan din niya ang Filipino boxing champ sa pagiging "example of change." “Nagpapasalamat ako kay Manny dahil nagiging example siya ng binabago ng Panginoon. Walang makakaisip na si Manny ang tatawagin,” aniya. Ayon naman kay Louie Ignacio, direktor ni Pacquaio sa kanyang weekly show na "Manny Many Prizes," napa-iyak siya habang pinapakinggan ang pag-preach ni Filipino boxing champ. “Alam mong nasa puso niya ang mga sinasabi niya. Alam mong inaral niya at ina-apply niya iyon. Kumbinsido ako na nagbago na ang ating Ninong Manny,” aniya. - Amanda Fernandez/KBK/FRJ, GMA News