ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga gov’t hospital, nais gawing GOCCs ng senador


Isang panukalang batas ang inihain sa Senado na naglalayong bigyan ng fiscal autonomy ang 26 national government hospitals sa bansa upang gawing Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC). Layunin umano ni Sen Franklin Drilon, sa paghahain ng Senate Bill 3130 o National Government Hospital Corporate Restructuring Act, na bigyan ng kalayaan ang 26 government hospitals sa bansa na humanap ng paraan para makapangalap ng pondo na magagamit para mapahusay ang serbisyo sa publiko. “The restructuring of national government hospitals to corporate entities will capacitate them to engage in revenue-generating activities, and proceeds of which can be used to subsidize medical care of indigent patients," paliwanag ng senador. Idinagdag ng senador na sa ganitong paraan ay makatitipid din sa gastusin ang gobyerno at mailalaan ang pondo sa ibang programang pangkalusugan. Sa ilalim ng panukala, ang mga administrador ng mga ospital ay bibigyan ng kalayaan na, “to manage its resources; acquire, lease or sell assets; borrow funds from local or foreign creditors; and accept donations." Ang organizational structure at staffing pattern ng mga pagamutan ay ibabatay din umano sa probisyon ng umiiral na GOCC Governance Act of 2011. Naniniwala si Drilon na higit na mabibigyan ng mahusay na serbisyo ang mga mahihirap na mamamayan sa mga pampublikong pagamutan sa ilalim ng sistemang GOCCs. Kabilang sa mga government hospital na tinukoy sa panukala na gawing GOCCs ay: Cagayan Valley Medical Center, Veterans Regional Hospital, Baguio General Hospital and Medical Center, Region I Medical Center, and Ilocos Training and Regional Medical Center in Northern Luzon; Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center and Jose B. Lingad Memorial Medical Center in Central Luzon; at Batangas Regional Hospital in Southern Luzon. Kasama rin ang Bicol Medical Center and Bicol Research Training and Teaching Hospital sa Bicol Region at Quirino Memorial Medical Center, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Rizal Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, San Lazaro Hospital, at Vicente Sotto Memorial Medical Center sa National Capital Region. Sa Visayas Region, nasa listahan ang Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, Western Visayas Medical Center sa Region VI at Eastern Visayas Regional Medical Center sa Region VIII. Habang sa Mindanao ay pasok ang Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro, Mayor Hilarion A. Ramiro, Sr. Regional Training and Teaching Hospital sa Region X; Southern Philippines Medical Center at Davao Regional Hospital. -- RE/FRJ, GMA News