ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Maliliit na bangus, patok na gawing kinilaw


Inirerekomenda sa Pangasinan ang pagluluto ng mga putahe – gaya ng kilawin – gamit ang maliliit na isdang bangus para makatipid ngayong panahon ng Semana Santa. Dahil sa pabago-bagong temperatura ng panahon, naapektuhan umano ang paglaki ang mga bangus sa Pangasinan. Pero kung hindi man lumaki ang mga bangus, mapapakinabangan pa rin ang mga ito at maaaring kainin. Ayon kay Dr. Westly Rosario, hepe ng National Integrated Fisheries Technology and Development Center-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (NIFTDC-BFAR), magandang gawing kinilaw ang mga maliit na bangus. “Mas gusto ng mga nagkikilaw yung mas batang bangus. Sinasabi na yung medyo malaki (na) mas matigas na yung laman at matigas na yung buto," paliwanag ni Soriano. Sa halagang P150, maaaring makabili ng anim na pirasong bangus (1 kilo sa halagang P90), at mga sangkap sa paggawa ng kinilaw na bangus – gaya ng suka (P20), luya (P10), sibuyas (P10), kalamasi (P15), at sili (P5). Si Mang Rodel Bautista, kinilaw na bangus ang isa sa mga paboritong ulam ng pamilya tuwing panahon ng Kuwaresma. Bukod daw kasi sa mura na, madali pa itong gawin o lutuin. “Bawal kasing kumain ng karne kaya mas maganda yung bangus. Basta yung mahusay, galing sa fishpond ninyo libre pa," ani Mang Rodel. Para magawa ang kinilaw, kailangang hiwain ang bangus (pwedeng laman lamang at alisin ang tinik), saka ito ibababad sa sukang may asin at katas ng kalamansi. Makalipas nang may sampung minuto, ihahalo ang natadtad na luya, sibuyas at sili, at halu-haluin para mas maging malasa ang isda. Mahusay na pamalit sa hapag-kainan ang bangus lalo pa’t patuloy ang babala ng BFAR na iwasan muna ang pagkain ng mga shellfish dahil na rin sa epekto ng red tide toxin sa ilang bahagi ng kanlurang bahagi ng Pangasinan. -- IAndrada/WSy/FRJ

Tags: bangus, dagupan