ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagpapapako sa krus, dapat daw itigil na


Muling nanawagan sa mga deboto ang mga obispo ng Simbahang Katoliko na itigil na ang mga panatang pagpapako sa krus at pagpapahirap sa sarili sa senakulo tuwing Semana Santa. Ayon kina Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani at Pampanga Archbishop Paciano Aniceto, hindi na kailangang ulitin ang ginawang pagpapakahirap ni Hesus nang pagtubos Niya ang kasalanan ng tao. Sinabi ni Bacani, vice chairman ng Episcopal Commission on Doctrine of the Faith ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines, na sa halip saktan ang sarili, kailangan lamang na manalangin, magnilay at magbalik-loob sa Panginoon ang mga tao. “Baguhin na natin at gumawa tayo ng ibang paraan ng pagbabayad puri sa ating kasalanan. At isang pinakamagandang pagbabayad puri ay ang talagang pagmamalasakit, pagggawa ng mabuti sa ating kapwa, pagtulong sa kanila. Iyan ang dapat nating atupagin sa halip na pahirapan ang ating katawan," payo ni Bacani nang makapanayam ng Radio Veritas nitong Biyernes. Ipinaalala naman ni Archbishop Aniceto na sagrado ang katawan ng tao, na ipinagkaloob ng Panginoon na dapat ingatan at hindi dapat abusuhin at saktan. Kung siya ang masusunod, nais ng arsobispo na ipatigil na ang pagpapako sa krus ng mga mananampalataya, nagiging komersiyal na umano at nagagamit ng iba sa negosyo dahil nagiging atraksiyon sa turismo. Taun-taon, dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista ang Pampanga dahil dito idinaraos ang pagpipinetensiya at pagpapako sa krus ng ilang namamanata. (Basahin: Unang dayuhang babae na nagpapako sa krus sa Pampanga) Idinagdag naman ni Boac Marinduque Bishop Rey Evangelista na ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa ang pinakamabisang paraan ng pagbibigay halaga sa Panginoon sa panahon ng Semana Santa. Hinikayat din ng obispo ang mga mananampalataya, lalo na ang kabataan na iwasan ang pagkanta at pagpapatugtog ng malalakas na awitin ngayong kuwaresma. - MP/FRJ, GMA News