Ilang bahagi ng karagatan sa Pangasinan, ‘di ligtas paliguan
Lumitaw na mataas ang coliform level o bacteria sa ilang bahagi ng karagatan sa Pangasinan na ginagawang paliguan ng mga tao. Ayon sa isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, hindi umabot sa pamantayan ang naitalang antas ng coliform sa ilang bahagi ng karagatan sa probinsya. Batay sa pinakahuling water sampling na isinagawa, lumalabas na mataas ang coliform ng ilang bahagi ng Dagupan beach, partikular sa may dumpsite sa Bonuan Boquig at sa Japanese Garden. Gayundin sa Tondaligan sa bahagi ng Department of Social Welfare and Development. Mataas din ang total coliform at fecal coliform sa Lingayen beach, malapit sa kapitolyo na umabot sa 24,000. Pinayuhan ang publiko na lubhang sensitibo ang balat na iwasan ang pagtampisaw sa nabanggit na mga lugar. Batay sa pamantayan ng BFAR, hindi dapat lumampas sa 1000 ang acceptable limit ng bacteria sa bawat 100ml ng tubig. Lingayen beach, near capitol -- 24, 000 coliform (mpn/100ml water) Dumpsite, Bonuan, Boquig -- 110,000 coliform (mpn/100ml water) DSWD, Tondaligan, Bonuan Gueset -- 3, 600 coliform (mpn/100ml water) Japanese Garden, Bonuan Boquig -- 3, 600 coliform (mpn/100ml water) -- source: NIFTDC-BFAR “Ang standard limit natin ay 1,000 most probable number per one 100 ml ng total coliform. Pero mas mababa sa fecal coliform sa fecal coliform ay 200 lamang 200 mpn per 100 ml.," paliwanag ni Dr. Westly Rosario, internal executive director, NIFTDC-BFAR, Dagupan City. Ang pagdaloy umano ng mga dumi at ihi ng tao ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng mataas na coliform level sa tubig. Muli namang nagsagawa ng water sampling ang BFAR nitong Biyernes ng umaga sa mga lugar-paliguan upang malaman ang bagong antas ng fecal coliform level. Malalaman ang resulta ng pagsusuri pagkatapos ng tatlong araw. – ALF/Darius/FRJ, GMA News