300 pitbull, nasagip mula sa dog fighting operators sa Laguna
Nasagip ang 300 pitbull sa lungsod ng San Pablo sa Laguna matapos mahuli ang dalawang South Korean nationals na pinaniniwalaang operator ng international dog fighting syndicate. Ayon sa ulat ni Hadji Rieta sa'24 Oras' ng GMA 7, ipinapalabas ang laban ng mga pitbull sa isang website at mapapanood na may bayad gamit ang credit card. Sa isang panayam, inihayag ni C/Insp. Reynaldo Magdaluyo ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City Police District na ang pagkahuli ng mga miyembro ng sindikato kamakailan ay pangawalang beses na. "Mga [nahuling] koreans na nagpapatakbo ng international pitbull fighting syndicate ay lumipat lamang dito sa Laguna. Sila rin 'yung nahuli sa Indang, Cavite, last year," aniya. Ayon sa isang ulat noong Disyembre, anim na Korean nationals at 17 Filipinos ang naaresto sa isang raid sa bayan ng Indang, kung saan mahigit 200 na mga aso ang nasagip mula sa illegal dog-fighting at betting operations. Iginiit ng nahuling Koreans noon na hindi nila alam na ipinagbabawal ang dog fights bilang betting game sa Pilipinas, ayon sa naunang ulat. Nakapagpiyansa umano ang mga suspek at inulit na naman ang kanilang ilegal na gawain. Samantala, nanawagan naman ng tulong ang isang grupo ng animal rights advocate sa gobyerno upang bigyang pansin ang mga nasagip na aso. Giit ni Philippine Animal Welfare Society Executive Director Anna Cabrera: "The government must set aside a budget para mayroon ding shelter itong mga ganitong aso habang dinidinig ang criminal case laban sa mga nahuling operator." Sinampahan ng paglabag sa Republic Act 8485 or the Animal Welfare Act ang mga naaresto. Nakasaad sa Section 6 ng RA 8485: “It shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care, sustenance or shelter, or maltreat any animal or to subject any dog or horse to dogfights or horsefights, kill or cause or procure to be tortured or deprived of adequate care, sustenance or shelter, or maltreat or use the same in research or experiments not expressly authorized by the Committee on Animal Welfare." — Amanda Fernandez /LBG, GMA News