Bus at tricycle, nagsalpukan sa Bataan; 2 katao patay, 2 pa sugatan
Dalawa katao ang nasawi at dalawang iba pa ang nasugatan sa salpukan ng isang tricycle at pampasaherong bus sa Roman Superhighway sa bahagi ng barangay Imelda sa Samal, Bataan. Kinilala ni Bernardo Salenga, barangay kapitan ng Imelda, ang mga namatay na sina Samuel Vasquez, 22-anyos, driver ng tricycle at backrider niyang si Janmark Perrera, 21. Sugatan naman at kasalukuyang nagpapagaling sa Bataan General Hospital sa Balanga sina Norman Cerezo at Jason Paragon, parehong sakay ng tricycle. Ang mga biktima ay napag-alamang mga manggagawa sa bukid at pawang residente ng nabanggit na barangay. Sinabi ni Salenga na papuntang Orani ang apat upang kumain ng lugaw dakong 11:00 p.m. noong Linggo nang mag-overtake sa sinusundang isa pang tricycle. “Hindi nakapag-overtake at napunta sa bahagi ng kalsadang tinatahak ng kasalubong na Bataan Transit at nasalpok ang tricycle," ayon sa kapitan. Matindi ang naging pinsala ng tricycle samantalang may sira naman sa kaliwang unahang bahagi ng bus na may bakas pa ng mga dugo. Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property ang driver ng bus na si Cisanto Caranto, 37-anyos, ng San Carlos, Pangasinan, ayon sa pulisya. -- Ernie B. Esconde/FRJ, GMA News