ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mayor sa Cebu, dismayado sa pagsampa at paglapit ng ilang kababayan sa butanding


Maglalabas umano ng bagong ordinansa ang lokal na pamahalaan ng Boljoon sa Cebu para mabigyan ng edukasyon ang mga tao tungkol sa pangangalaga sa mga butanding. Ang pahayag ay ginawa ni Boljoon mayor Teresita Celis matapos umani ng batikos ang larawang kumalat sa Facebook na nagpapakita na hinawakan at may sumampa pa sa butanding na napadpad sa baybay ng dagat. Sa ulat ni GMA-Cebu news reporter Monching Auxtero para sa 24 Oras nitong Martes, natunton nito ang asawa ng mangingisda na sinasabing nakahuli sa butanding na sumabit sa lambat. Ayon kay Gng Norma Trapiro, asawa ng mangingisda, dinala ng kanyang mister sa mababaw na bahagi ng dagat ang dambuhalang isda para mapakawalan sa pagkakaipit sa lambat. Humingi naman ng paumanhin si Gng Trapiro sa nangyaring insidente at iginiit na walang masamang intensiyon ang kanyang mister. Unang inakala na sa bayan ng Oslob nahuli at nakunan ang pagsampa ng isang dalagita sa likod ng butanding. May mga kuha rin kung saan makikita ang ilang residente na lumapit at yumakap sa itinuturing “gentle giant" ng karagata. Ayon kay Oslob mayor Ronald Guaren, nagbigay na sila noon ng impormasyon sa kanilang mga kababayan na ipinagbabawal ang paglapit sa mga butanding na nagiging atrasksyon na ngayon ng turismo sa lalawigan. Sinabi naman ni Brgy Granada (Boljoon) Councilor Ernito Medalla, na naging excited ang mga tao kaya nagpakuha ng larawan kasama ang butanding. Bagaman napakawalan din ang dambuhalang isda, nais ni Mayor Celis na magpalabas ng ordinansa para maprotektahan ang mga butanding. Samantala, nauna na ang Department of Tourism- Region 7, sa pag-ikot sa Boljoon at karatig bayan upang paalalahanan ang mga tao na huwag lumapit at hawakan ang mga mapapadpad na butanding sa kanilang lugar. - FRJimenez, GMA News