Nakatakdang dumating sa bansa ang 11 pang overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Syria ngayong Maundy Thursday at Good Friday, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules ng hapon. Anang DFA, bahagi pa rin ito ng patuloy na repatriation efforts ng Philippine Embassy sa Damascus sa pamumuno ni Charge d' Affaires Olivia Palala. Sa 11, anim ang nakatakdang dumating sa bansa sakay ng dalawang flights sa Maundy Thursday habang lima naman ang nakatakdang dumating sa Good Friday. Ang mga flight na ito ay:
- isang sakay sa Emirates Airlines Flight 334, 3:55 p.m. Huwebes
- limang sakay sa Emirates Airlines Flight 332, 9:55 p.m. Huwebes
- limang sakay sa Emirates Airlines Flight 332, 9:55 p.m. Biyernes
Ayon sa DFA, umaabot na sa 1,221 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong na-repatriate mula Syria. "The Philippine Embassy in Damascus will bring as many Filipinos as possible out of harm's way without any delay even during Holy Week," ani DFA spokesman Raul Hernandez.
47 OFWs Samantala, sa updated DFA news release na nakalagay sa Official Gazette website, 47 OFWs — at hindi 43 gaya nang naunang naiulat — ang inaasahang makaka-uwi ng bansa ngayong Miyerkules ng gabi. Nahahati ang OFWs sa apat na batches — 39 na sakay sa Philippine Airline flight, isang sakay sa Malaysia Airlines flight, tatlo sakay sa Etihad Airlines, at apat sa Emirates Airlines. Isinagawa ang repatriation dahil sa rebelyong nagaganap sa Syria na nagsimula pa noong nakaraang taon. Sa kasalukuyan, nakataas pa rin sa "4" ang alert level sa nasabing bansa, na nangangahulugang mandatory repatriation. Tiniyak naman ng DFA na sisikapin nitong mailikas ang mga Pilipino sa Syria, lalo na ang mga nakatira sa Homs, Idlib, Hama, at Dara'a. Samantala, patuloy na nanawagan ang DFA sa mga kamag-anak ng OFWs sa Syria na magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng kanilang mga mahal doon at kanilang contact details. Maaaring tumawag ang mga ito sa Department of Foreign Affairs' Office of the Undersecretary for Migrant Workers' Affairs (DFA-OUMWA) sa teleponong (02) 834-3245 or (02) 834-3240.
— Amanda Fernandez/KBK, GMA News