ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsabog sa El Nido, Palawan, posibleng may kinalaman daw sa negosyo


Hinihinalang may kinalaman sa negosyo ang naganap na pagsabog sa El Nido, Palawan nitong Huwebes na nagresulta sa pagkakasugat ng isang babae. Sa ulat ng GMA's Flash Report nitong Sabado, sinabing dadalhin sa Crime Laboratory ng Philippine National Police (PNP) ang mga piraso ng pampasabog na nakuha sa lugar para masuri. Inihayag naman ng municipal administrator ng El Nido, na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente. Lumilitaw umano sa paunang imbestigasyon na posibleng may kinalaman sa negosyo ang motibo sa pagpapasabog sa harap ng Entalula Beach Resort sa Zone 3 ng El Nido. Dahil sa nangyaring pagsabog, naputulan ng ilang daliri si Aiza Gay Martinez Mallari, 25-anyos, cook sa nabanggit na resort. Nagkataon na magtatapon ng basura si Mallari nang mangyari ang insidente. Bukod sa El Nido, may naganap ding pagsabog sa Puerto Princesa City kung saan nasugatan sina Marivic Arias at Cenon Magdayo. Lalo pang hinigpitan ng mga awtoridad ang seguridad sa lugar dahil sa nangyaring insidente. Kasabay nito, muli namang nagbabala ang British Foreign and Commonwealth Office sa kanilang mga kababayan sa pagbiyahe sa Southwest Mindanao at Sulu archipelago ng Pilipinas dahil umano sa, "ongoing terrorist activity and clashes between the military and insurgent groups." "On 5 April there were two explosions on the island of Palawan, one in El Nido and one in Puerto Princesa. Three people are reported to have been injured, but there are no reports of any British casualties. British nationals in the area are advised to call home to let family know they are safe," nakasaad sa updated travel advisory ng FCO, ang ahensiya na nangangalaga at nagtataguyod sa kapakanan ng mamamayan ng UK na nasa ibang bansa. "Attacks could be indiscriminate, including in places frequented by expatriates and foreign travelers. Such places could include, but are not limited to, airports, shopping malls, places of worship etc.," dagdag pa sa babala. - FRJImenez, GMA News