ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Korte, nagpalabas ng TRO vs 'paggalaw' sa mga pine tree sa isang mall sa Baguio City


Nagpalabas ng 72-hours na temporary restraining order (TRO) ang Regional Trial Court sa lungsod na ito, laban sa pagputol o pagbunot ng may 182 puno ng pine tree para bigyang daan ang expansion development project ng SM-Baguio. Batay sa kautusang ipinalabas ni Judge Cleto Villacorta ng Baguio-RTC Branch 6, iiral ang TRO habang dinidinig ng kanyang sala ang inihaing apela ng mga environmentalist group na tumututol na galawin ang mga puno. Nagsimula ang mga protesta nang mapabalita na aabot sa 182 puno ang puputulin sa lupaing masasakop ng expansion development project ng mall. Naunang ipinaliwanag ng ilang opisyal ng establisimyento na hindi puputulin, kundi bubunutin at ililipat lamang ang mga puno. Bukod dito, ang bawat puno na ililipat ay papalitan din ng pagtatanim 50 sapling na mas marami kaysa 20 sapling na itinatakda ng lokal na pamahalaan. Noong nakaraang Enero, sinabi naman ni Moises Bai, hepe ng DENR-CAR's Forest Resources Conservation Division, na binigyan ng permiso ang SM City Baguio na magputol ng 43 Alnus trees, bunutin ang 97 Benguet pine trees at 42 pine sapling. Ayon kay Councilor Nick Aliping, kailangan na makita ng mga tao kung talagang may nagaganap na earth-balling sa loob ng nasabing lugar kung saan isinasagawa ang expansion project ng mall. Sa ganitong paraan ay matitimbang umano ng mga mamamayan ang kanilang desisyon tungkol sa naturang usapin para magkaroon ng kapayapaan. Sa kabila naman ng panawagan ng ilang nagpoprotesta na i-boykot ang mall, patuloy na dinadagsa ng mga tao ang naturang lugar. -- Thom Picana/FRJ, GMA News