ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gloria Arroyo, naghain ng not-guilty plea sa NBN-ZTE case


Naghain ng not-guilty plea si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nitong Miyerkules sa kasong graft laban sa kanya kaugnay ng nabasurang national broadband network (NBN) project na ini-award ng kanyang administrasyon sa Chinese firm na ZTE Corp. Humarap si Gng. Arroyo sa fourth division ng Sandiganbayan anti-graft court para sa kanyang arraignment. Naggaling pa ang dating Pangulo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City kung saan siya pansamantalang nakapiit dahil sa hiwalay na poll sabotage case. Dumating si Gng. Arroyo Sandiganbayan dakong 8 ng umaga sa gitna ng mahigpit na seguridad. Ayon kay Chief Superintendent Adrimero Cruz Jr., tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), 500 mga pulis mula sa Quezon City Police District ang nangalaga sa kaligtasan ni Gng. Arroyo. Nakasuot ang dating Pangulo, na mayroong bone mineral disorder, ng neck brace at elastic therapeutic tape sa kanyang mga binti. Bago pumasok sa courtroom para sa kanyang arraignment, sinabi ng dating Pangulo sa mga reporter na kasalakuyan siyang mayroong sakit na shingles, viral infection na nagdudulot ng masakit na skin rashes. Maliban sa kasong graft, naghain din si Gng. Arroyo ng not-guilty plea sa kasong paglabag sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standard for Public Officials). Nakabatay ang kaso sa umano'y illegal “solicitation or acceptance of gifts”  matapos makipaglaro umano ng golf at kumain ng tanghalian ang Pangulo kasama ang mga representante ng ZTE matapos isagawa ang negosyasyon sa NBN project. Ayon naman sa abugado ni Gng. Arroyo na si Jose Flaminiano, "very firm" ang kanyang kliyente sa paghain ng not-guilty plea sa kasong graft. “Very firm talaga siya sa pagsasabi na ‘not guilty.’ She knows that in the end, she will be vindicated by the court,” aniya. Dagdag pa ni Flaminiano, itinakda na ng korte ang pre-trial conference ni Gng. Arroyo sa Hunyo 4. Mike Arroyo at Abalos Inihain ng Office of the Ombudsman ang kaso laban kay Gng. Arroyo sa kanyang pag-approve umano sa NBN-ZTE contract sa kabila ng pagiging "fully aware" sa mga iregularidad ng kasunduan. Inakusahang mayroong naganap na iregularidad sa NBN-ZTE deal sa pag-award ng gobyerno sa $329-milyong construction contract sa ZTE Corp para sa panukalang pagtayo ng nationwide broadband network noong termino ni Gng. Arroyo. Tingnan ang Timeline ng NBN-ZTE deal sa link na ito. Pinirmahan ang kontrata ng ZTE noong Abril 20, 2007 sa Hainan, China. Matapos lumabas ang mga akusasyong iregularidad, kinansela ni Gng. Arroyo ang National Broadband Network (NBN) project noong Oktubre 2007. Kabilang sa mga nadawit sa kontrobersya ay ilang high-profile personalities tulad nina dating Elections chief Benjamin Abalos Sr., na nagbitiw sa kanyang trabaho sa gitna ng kontrobersya; dating National Economic and Development Authority (NEDA) chief Romulo Neri; dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo; at dating Transportation Secretary Leandro Mendoza. Kapwang naghain din ng not-guilty plea nitong Miyerkules si Jose Miguel at Abalos sa kaso. Inilipat ng Mayo 14 ang arraignment ni Mendoza sapagkat kasalakuyan pa siyang nagpapagaling mula sa kanyang mild stroke. Noong nakaraang buwan, naghain ng not-guilty plea si Gng. Arroyo sa kasong poll sabotage na inihain laban sa kanya ng Commission on Elections (Comelec) sa Pasay court sa akusasyong pandaraya umano niya noong 2007 polls. Maliban sa mga kasong ito, inirekomenda rin ng Department of Justice ang paghain ng kasong malversation laban kay Gng. Arroyo at sa tatlo pang iba sa maling paggamit umano ng milyon-milyong pondo na para dapat sa mga overseas workers. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News