ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ambulansiya, binangga ng pick-up truck sa Cebu; sakay na nurse, tumilapon, patay


Patay ang isang private nurse matapos itong tumilapon sa kalsada mula sa sinasakyang ambulansiya na nabangga ng isang pick-up truck sa Cebu City. Sa ulat ni GMA-Cebu reporter Monching Auxtero sa 24 Oras nitong Martes, kinilala ang nasawing nurse na si Trecie Abaño. Sugatan din ang limang kasama ni Abaño sa loob ng ambulasya, kabilang ang duktor at pasyenteng Filipino-American na ihahatid sana nila sa airport. Paliko na umano sa intersection ng MJ Cuenco Avenue ang ambulansiya nitong madaling-araw ng Martes nang salpukin ito ng pick-up truck na minamaneho ni Anthony Logarta. Sa lakas ng pagkakabangga, tumagilid ang ambulansiya at tumilapon si Abaño palabas ng sasakyan at agad na nasawi. Ayon kay Roy Jumao-as, sakay ng ambulansiya, mabagal lamang ang kanilang takbo pero mabilis ang pick-up. Tumanggi ang drayber ng pick-up na magsalita sa nangyaring insidente. Pero inihayag ng isang sakay nito na hindi nila napansin ang ambulansiya. Bukod sa ambulansiya, nadamay din sa aksidente ang isang taxi. – FRJ, GMA News