ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Grassfire sa Bataan, mas malaki ngayon kumpara sa nakaraang mga taon


Tumagal ng mahigit tatlong oras ang naganap na pagkasunog sa malawak na talahiban sa Balanga, Bataan na nagdulot ng matinding pangamba sa mga tao nitong Miyerkules. Batay sa pagtaya ng mga awtoridad, posibleng mahigit sa 10 ektarya ng talahiban sa Balanga ang nasunog na nagsimula dakong 6:00 p.m. nitong Miyerkules. Ayon sa Bureau of Fire Protection sa Balanga, agad silang nagpadala ng tatlong trak ng bumbero sa barangay Tuyo nang matanggap ang unang tawag tungkol sa nasusunog na talahiban. Mabilis na kumalat ang apoy na umabot pa sa isang subdibisyon kaya naman lalong nagpursige ang mga bumbero na maapula ang apoy. Tuluyan namang napatay ang sunog dakong 9:00 p.m. Ang naturang sunog ay abot-tawan sa isang gas station at sa mismong Roman Superhighway sa Balanga. “Natakot kami dahil malaki ang sunog na halos sakupin ang buong bundok," sabi ni Joji Amuy, isa sa mga tauhan ng Filoil gas station. Taon-taon umano ay nangyayari ang pagkasunog ng talahiban pero mas malaki at mabilis daw ang grassfire ngayon taon. Patuloy naman ang imbestigasyon para malaman kung ano ang pinagmulan ng sunog. – EEsconde/FRJ, GMA News