ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bihag: Kalbaryo ng Pinoy seaman sa kamay ng Somali pirates


Sa panayam ni Kara David ng GMA News TV's News To Go, ikinuwento ng isang Pinoy seaman na si Roger Arroyo ang kanyang naging karanasan habang bihag ng mga kilabot ng Gulf of Eden – ang mga Somali pirate. At sakabila ng naranasang peligro sa buhay, muli pa rin siyang sasampa ng barko para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Alamin din ang kanyang panawagan sa pamahalaan at may-ari ng mga barko. Narito ang kanilang talakayan: KARA: Hindi na bago ang mga kuwento ng Filipino seamen na nagiging biktima ng Somali pirates. Katunayan, kamakailan lang ay nasawi sa isang rescue operation ang dalawa sa mga kababayan natin dahil sa Somali pirates. Isa sa mga nabihag ng Somali pirates noong 2009 ay si Roger Arroyo at kasama natin siya ngayon para ikuwento ang kanyang naging karanasan. Magandang umaga po Mang Roger. ROGER: Magandang umaga po ma'am. KARA: Na-meet ko po kayo noong 2009, nung na-hostage po kayo sa Gulf of Aden ng Somali pirates. Ngayon po na ilang years na ang lumipas, at mayroon na naman pong nabiktima at sa kasawiang palad ay dalawa ang namatay, ano po ang naramdaman ninyo nang nabalitaan ninyo na mayroon na namang na-hostage? ROGER: Naramdaman ko sa ngayon na mayroon na namang namatay na mga kasamahan namin na seamen, ako po ay nalulungkot sa pangyayari. Ngayon na mayroon na namang nabiktima ang mga masasamang Somalian pirates na mga seaman. KARA: Paano po ba kayo nabiktima noong 2009? Ano po ang trabaho niyo sa barko? ROGER: Isa po akong chief cook noon sa barko. KARA: Ikuwento niyo po, paano po ba iyon kapag dumarating ang mga Somali pirate, sumasampa na lang sa barko ganoon po ba? ROGER: Sa amin po ang nangyari noon, kami ay na-hostage noong 2009, kami ay hinabol ng dalawang bangka na napakatulin... KARA: Bangka lang po? ROGER: Opo, dalawang bangka lang ang humabol sa amin na napakatulin. Ngayon, tumapat na sa amin, huminto na ang kapitan namin nang tinutukan na po kami ng RPG (rocket-propelled grenade ) doon na po natakot ang kapitan namin at doon na po kami huminto. Nung huminto na ang aming barko mabilis na silang dumikit sa barko namin at sinabit na nila ang mga improvised na hagdanan nila. At pag-akyat nila sa amin tuloy-tuloy na pagpapaputok sa barko namin at naka-akyat silang lahat. Nung umakyat po sila sa barko namin, tuloy-tuloy na sila sa bridge, inipon na po kami doon lahat sa bridge. KARA: Ano daw ang gusto nila? ROGER: Gusto po nila kaming makausap, yung kapitan at saka ang kumpanya namin. Iyon lang po ang sinabi sa amin. KARA: Tapos kayo ay nakaligtas dahil? ROGER: Nakaligtas po kami dahil sa tulong ng aming kumpanya na hindi po kami pinabayaan. KARA: Nagbayad na lang? ROGER: Hindi ko po alam kung nagbayad para kami makawala. KARA: Pero nung time na nandoon kayo sa barko, may mga baril itong mga piratang ito? Anong ginagawa sa inyo? Sinasaktan po ba kayo? ROGER: Nung time po na nandoon kaming lahat sa bridge, lahat kami ay nakahiga lang sa bridge tapos laging nakatutok sa amin 'yung AK-47 ng mga Somali. Hindi po kami makakilos nang maluwag dahil limited po ang kilos namin. Lagi pong mainit ang ulo sa amin dahil yung problema nila na hindi pa siguro sila nagkakaintindihan ng aming kumpanya. KARA: May sinasaktan po ba sila? ROGER: Hindi naman po kami sinasaktan ngunit ang ginagawa po sa amin ay tinututukan kami ng baril. Tapos kapag pinapapila kami, pinapaputukan kami ng AK-47 na malapit lang po sa amin. KARA: Noon pong mga panahon na iyon, ano ang tumatakbo sa isip ninyo? Iniisip niyo po ba na mabubuhay pa kayo? ROGER: Sa akin parang naiisip ko noon parang hindi na kami mabubuhay na baka kinabukasan babarilin na kami sa labas. Ginawa na lang namin dasal na lang kami ng dasal. Tapos iyakan na lang kami, gano'n. KARA: Ngayon po makalipas ang ilang taon may trauma pa rin po ba? ROGER: Sa ngayon po bumabalik ang trauma ko nung nabalitaan ko na may nahuli na naman at mayroong namatay sa kapwa namin. KARA: Nung na-meet ko po kayo noong 2009, kaunting malakas na sound lang, masara lang ang pinto nang may kaunting lakas ay nagugulat kayo at natatakot, hanggang ngayon ba ganoon pa rin? ROGER: Opo. Sa ngayon 'di pa rin maiiwasan na magulat pa rin ako dahil sa pangyayari. KARA: May mga nightmares ganyan? ROGER: Minsan po napapanaginipan ko pa rin ang mga ginawa sa amin ng mga pirata sa Somalia. KARA: Pero Mang Roger kung kayo po ay na-traumatized dito sa nangyaring ito, ang balita ko po ay sasampa na naman po kayo sa barko, bakit po? ROGER: Wala po akong ibang ano... dahil may obligasyon pa ako sa aking pamilya at... KARA: Hindi ba kayo natatakot? ROGER: Nandoon na po, kasama na ang takot. Pero ganoon talaga nagdadasal na lang kami na maka-survive kami sa mga pangangailangan namin at sa trabaho namin. KARA: May training po ba kayong pinagdadaanan kung paano haharapin ang mga ganitong klaseng pirata? Kasi alam naman nating talamak ito sa bandang Gulf of Aden kung saan napapadaan kayo palagi. ROGER: Opo. Bago kami sumampa mayroon kaming anti-piracy seminar sa opisina at pagdating sa barko ay ino-orient din kami ng aming kapitan. KARA: Ano po ang itinuturo sa inyo doon? ROGER: Mga basic. Pero hindi sapat iyon na kami ay tuturuan ng self defense sa barko at kung anong mga dapat gawin at papaano. Ang hirap kasi dahil once na magkamali ka papatayin ka talaga. KARA: Oo, mahirap din kapag lumaban ka... ROGER: Hindi ka dapat lalaban, gawin nalang talaga dapat dasal nalang talaga. KARA: Anong panawagan ninyo doon sa gobyerno o sa mga nagmamay-ari ng barko para lalo pang maging ligtas ang ating mga seaman? ROGER: Nais ko lang pong ipaabot na sana po ay madagdagan pa nila ng pag-aaral kung paanong maililigtas ang aming buhay sa pagbabarko... KARA: Wala po bang security doon sa barko mismo? ROGER: Sa amin po mismo ay walang security sa barko noong time na iyon. KARA: Talagang wala kayong armas na kahit na ano? ROGER: Wala po kasi bawal iyon sa barko na magdadala ng mga armas. KARA: Ah bawal. Kailan po ang alis ninyo ulit? ROGER: Sa ngayon po ay wala pa kasi medyo magpapahinga muna kami mayroon pang training na dapat gawin. KARA: Mag-ingat po kayo sa susunod na pagsakay ninyo ng barko. ROGER: Salamat po. KARA: Pero hindi naman na siguro doon sa bandang Gulf of Aden kung saan palaging mayroong Somali pirates. ROGER: Opo, wala na siguro kasi iniiwasan ko po na sumampa ng barko na mayroong ganoong area na dadaanan kasi natatakot po ako na maulit kasi pangalawang buhay ko na ito. KARA: Maraming maraming salamat po Ginoong Roger Arroyo, isang seaman. – Kenneth Cortez/ FRJ, GMA News