ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagtatayo ng Disneyland theme park sa Pampanga, pag-aaralan ng Malacañang


Nais ng Malacañang na pag-aralan muna ang mungkahi ng isang kongresista sa Walt Disney Co. na magtayo Disneyland theme park sa Pampanga. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, wala namang dahilan para harangin ang isang magandang plano kung makikita na resonable ito. “That has to be studied... We get the general idea, it will bring in business and promote tourism, may multiplier effect ang ganoong project we have to study it first," paliwanag ng opisyal sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Ayon kay Valte, mismong si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang nagsabi sa energy summit na ginawa sa Mindanao kamakailan na kung katanggap-tanggap ang mungkahi ay walang dahilan para hindi ito pag-aralan. Una rito, inihayag ni Pampanga Rep. Carmelo Lazatin na hinihintay na lamang nito ang tugon ng Walt Disney Co. sa ipinadala niyang sulat na naghihikayat na magtayo ng Disneyland theme park sa Pampanga sa Clark Freeport zone. Dahil special economic zone ang Clark, panghalina ni Lazatin ang malaking matitipid ng Walt Disney Co. dahil wala silang babayarang buwis kapag itinayo ang theme park. Hiniling ni Lazatin sa Department of Tourism na suportahan ang kanyang layunin dahil magbibigay ito ng maraming trabaho sa mga Pilipino. Bukod sa trabaho, malaki rin umano ang maitutulong Disneyland theme park sa turismo at ekonomiya ng bansa.— FRJ, GMA News