Lalaking nasagasaan ng tren sa Laguna, sinasabing lasing
Lasing at posibleng nakatulog umano sa riles ang lalaking nasagasaan ng tren ng Philippine National Railways (PNR) nitong Biyernes ng gabi sa Cabuyao, Laguna. Sa ulat ng GMA News TV Balitanghali nitong Sabado, sinabing nagkalasog-lasog ang katawan ng biktimang si Edwin Mananquil, 43-anyos, nang masagasaan ng tren na patungong Albay. “Lasing nga po ‘yon (si Edwin) galing sa birthday. Tanghali umalis sa amin e wala namang oras ang uwi ‘pag nasa inuman ho ‘yon," pahayag ni Estelito Mananquil, kapatid ng nasawi. Ayon kay Lito Nierva, operation manager ng PNR, may kadiliman at matalahib sa lugar na pinangyarihan ng insidente na naganap dakong 10:00 p.m. “Yung portion nung lugar medyo may konting damo kaya hindi agad yun napansin. And hindi makikita ‘yon sa makina ng train. Apparently under the influence of liquor sabi nung mga siblings," paliwanag ni Nierva. Sa kabila nito, hustisya pa rin ang panawagan ng misis ng biktima. Ayon naman sa manugang ng biktima, huli na nang bumusina ang tren kaya hindi na nakaiwas si Mananquil. Samantala, hindi pa umano nabeberipika ng pulisya ang pangalan ng drayber ng tren dahil hindi ito nagpaiwan sa pinangyarihan ng insidente at tumuloy sa pagbiyahe. Sinabi ni Supt Armel Gongona, hepe ng Cabuyao-PNP, tinawagan nila nitong Sabado ng umaga ang opisina ng PNR para maberipika ang pangalan ng driver ng tren ngunit walang makapagbigay ng pangalan nito. Sa naunang ulat, kinilala ang umano’y driver ng tren na si Christian Pasis. Inihayag ni Gongona na kinukumpleto na lamang nila ang testimonya ng kaanak ng nasawi para sa isasampang reklamo laban sa driver ng tren. Noong nakaraang buwan, nasawi rin ang isang mag-ina nang mabangga ng tren ang kotse na kanilang sinasakyan sa Laguna rin.-- FRJ, GMA News