Mga Pinoy, pinayuhan na huwag magsayang ng kanin
Matapos ihayag ng International Rice Research Institute (IRRI) na 300,000 toneladang bigas umano ang nasasayang bawat taon, nanawagan ang Malacañang nitong Sabado sa mga Pilipino na tumulong upang maiwasan ang pagtatapon ng kanin. Payo ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, maaari namang kainin ang hindi nakaing kanin sa susunod na kainan. “Sana mapababa ang wastage na 'yan. This is something we can all help with," ayon kay Valte sa panayam sa dzRB radio. Ayon kay Valte, mas makabubuti kung babaguhin ng mga Pilipino ang consumption pattern nila sa pamamagitan ng pagpili ng alternatibong pagkain upang mabawasan ang rice consumption. Ayon sa kanya, maaaring gawing alternatibo ang kamote (sweet potato). Sa ganitong paraan, aniya, makatutulong ang taongbayan sa pagsisikap ng gobyerno na mabawasan ang rice importation. Pinakamalaking importer ng rice ang Pilipinas sa buong mundo. “We hope that will be a thing of the past in a year,” ani Valte. Nauna nang inihayag ng IRRI na makatutulong sa layunin ng Pilipinas maging se-sufficient sa pamamagitan ng hindi pagsasayang. Ayon sa kanilang tala, limang tasa ng kanin ang niluluto araw-araw ng mga Pilipino ngunit siyam na gramo ay nasasayang. Nasasama ito sa 300,000 toneladang nasasayang bawat taon. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News