ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga ahensya ng gobyerno pinag-iingat ng Palasyo vs cyber-bullying


Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga ahensya ng gobyerno na protektahan ang kanilang mga website laban sa cyber-bullying, sa gitna ng alitan ng Pilipinas at China sa Panatag (Scarborough) Shoal. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, standard procedure na ng mga tagapamahala ng government websites na maging maingat. “'Yung standard procedure natin is when a website of a government agency becomes defaced or its integrity is compromised we send out [a reminder] upang hindi ma-compromise ang site ng pamahalaan," pahayag ni Valte sa panayam sa dzRB nitong Linggo. Ito'y matapos atakehin noong Biyernes ang University of the Philippines website ng mga hacker na umano'y pro-China. Naayos ang UP website nitong Sabado. Sa UP website na na-hack, naka-upload ang isang mapa na nagpapakita na pagmamay-ari umano ng China ang Panatag Shoal. “We come from China! Huangyan Island [Panatag Shoal] is Ours!" ayon sa mensahe na inilagay sa site. Nagsimula ang pinakahuling alitan ng China at Pilipinas noong ika-10 ng Abril, kung kailan namataan ang Philippine Navy ng walong Chinese fishing boats na umano'y nanghuli at kumuha ng endangered marine species sa Panatag Shoal. Nabigo ang mga awtoridad na hulihin ang mga dayuhang mangingisda matapos harangan ng dalawang Chinese vessels ang Philippine Navy boat. Noong Sabado, umalis sa lugar ang Chinese fishing vessels, dala-dala ang nahuli nilang endangered species at iba pang mga laman-dagat. Sa gitna ng alitan, pinayuhan ng Philippine fisheries authorities ang mga Pilipinong mangingisda na lumayo muna sa Panatag Shoal. Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng Palasyo sa isang mapayapang resolusyon sa gusot. “We are consistently reiterating the diplomatic track is what we have chosen to take. Everything we do is in furtherance of (pursuing) that track,” ani Valte. “We have conducted our actions knowing one of our immediate goals is to de-escalate tension. (It is) to the benefit of all parties if tension is lowered,” dagdag pa niya. Pinuri naman ni Valte ang mga mangingisda na kusang lumayo mula sa shoal. “May isang nakalaan na sheltering area for our fishermen to go while the tension is ongoing." aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News