Final ruling ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita inaabangan ng Palasyo
Inaabangan na ng Malacañang ang paglabas ng pinal na desisyon ng Korte Suprema ngayong linggo hinggil sa valuation ng mahigit 5,000-ektaryang lupain ng Hacienda Luista na ipamamahagi sa 6,000 farmer-beneficiaries ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gobyerno. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, naiwan ang isyu ng valuation matapos maglabas ng ruling ang korte sa validity ng stock distribution option (SDO) noong nakaraang taon. “The Supreme Court has already made a ruling as to the issue of validity of the stock distribution option. The pending issue is the valuation of the land. Hintayin natin ang kalalabasan ng kaso," ani Valte sa dzRB radio. Noong nakaraang linggo, inihayag ni Court Administrator Midas Marquez, tagapagsalita ng Korte Suprema, na tatalakayin ng mga mahistrado sa susunod na Martes ang motion for reconsideration na inihain ng Hacienda Luisita Inc. sa pagbabasura sa kanilang kaso noong Nobyembre 2011. Pagmamay-ari ng pamilya Cojuangco, kabilang ang yumaong Pangulong Corazon Aquino, ina ni Pangulong Benigno Aquino III, ang Hacienda Luista, isang sugar plantation estate sa Tarlac. Nitong Nobyembre 22, ipinag-utos ng Korte Suprema na ipamahagi ang mahigit 5,000-ektaryang lupain sa 6,000 farmer beneficiaries ng CARP. Nauna nang sinabi ni Chief Justice Renato Corona na nag-ugat ang kanyang impeachment case sa desisyon ng Korte Suprema sa nasabing isyu. Ayon kay Corona, tinanggihan niya ang pamilyang Cojuangco sa proposal nitong makatatanggap sila ng P10 bilyon mula sa pamamahagi ng naturang lupain. Itinanggi naman ito ng Malacañang. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News