Filtered By: Topstories
News

Arraignment ni Zaldy Ampatuan kaugnay sa Maguindanao massacre case ipinagpaliban


Hindi matutuloy ang nakatakda sanang arraignment ni Zaldy Ampatuan, isa sa mga suspek sa madugong Maguindanao massacre noong 2009, sa Huwebes.   Ayon kay private prosecutor Gilbert Andres, pumayag si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 na ipagpaliban ang arraignment habang hindi pa nareresolba ang isang nakabinbing mosyon ukol dito. Magugunitang nasuspinde si Zaldy bilang governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos ituro siya bilang isa sa masterminds ng massacre noong Nob. 23, 2009 kung saan 57 katao, kabilang ang 32 journalists, ang walang awang pinatay sa isang liblib na lugar sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.   Bukod kay Zaldy, may 195 iba pa ang idinadawit sa massacre kabilang ang ilan pang miyembro ng pamilya Ampatuan. Samantala, hindi ikinatuwa ng mga kamag-anak ng mga napatay na mamahayag ang naging desisyon ni Solis-Reyes. "Sobrang masakit, galing pa ako sa Cotabato City at umabsent sa trabaho. Inaasahan kong makita bukas ang arraignment ni Zaldy. Ano ba ang dahilan bakit hanggang ngayon hindi pa siya na-arraign?” ani Ramonita Salaysay, asawa ng napatay na mamamahayag na si Napoleon Salaysay. Samantala, inihayag ni Catherine Nuñez, ina ng television reporter na si Victor Nuñez: “Dalawang taon at limang buwan ko nang hinihintay na makitang ma-arraign si Zaldy. Wala na ba talaga kaming pag-asang mga biktima na makakuha ng hustisya ngayon?” “Arraignment pa lamang ito, masyado na kaming nasasaktan,” dagdag pa ni Nuñez. Ayon kay Andres, magkapareho lamang ang arguments na inilahad ni Zaldy sa sala ni Solis-Reyes sa mga inihayag niya sa Court of Appeals, na nauna nang tinanggihan ang kanyang mosyong humihiling ng reinvestigation sa kaso. “I understand the frustration of our clients. I pray to God that Zaldy Ampatuan will be arraigned soon,” ani Andres. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News