Mga residente sa Parañaque compound, naghanda ng pangontra sa demolition teams
Inihahanda na ng mga residente sa isang compound sa Parañaque City nitong Huwebes ang mga bag na nilagyan dumi ng tao na gagamitin nilang pangtaboy sa demolition teams na gigiba sa kanilang mga bahay. Balak ng mga residente ng Tucuma Compound na ibato sa mga miyembro ng demolition teams ang mga plastic bags na naglalaman ng dumi ng tao. Inilagay nila ang kanilang "stink bombs" sa isang malaking drum, ayon sa ulat ng radio dzBB. "Isip namin ang hindi nakakasakit," ayon kay Ramil Asturias, isa sa mga residente ng compound. Ayon sa kanya, ilang dekada na silang naninirahan sa lugar kung kaya mahirap para sa kanilang maghanap ng ibang trabaho kung sapilitan silang paalisin. Ayon sa ulat ng dzBB, nangangamba ang mga residente na isasagawang demolisyon sa linggong ito, posible umano ngayong Huwebes. Nitong Lunes lamang, isang tao ang napatay habang 39 naman ang sugatan matapos ang madugong demolisyon sa talipapa sa Silverio Compound sa Parañaque City. Samantala, nagsagawa naman ng vigil nitong Miyerkules ng gabi ang mga residente na umaasang mapigilang demolisyon sa kanilang mga tirahan sa isang compound sa Commonwealth village sa Quezon City. Inihayag ng ilang pamilya sa compound na hindi sila gagalaw sa kabila ng expiration ng kanilang 30-araw notice ng eviction, ayon sa hiwalay na ulat ng radio dzBB. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News