ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

82-anyos na lola, ‘nabigti’ ng mga inaalagaang kambing


Pinapaniwalaan na ang mga ipinapastol na kambing ang nakabigti at nakapatay sa isang 82-anyos na lola sa Ilocos Sur. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Emerita Guzman, ng San Esteban, Ilocos Sur. Natagpuan nitong Lunes si Emerita na walang buhay at nakapalupot sa leeg niya ang lubid na nakatali sa mga ipinapastol na kambing. Ayon kay Romeo Guzman, anak ng biktima, posibleng sinuwag ng mga kambing ang matanda at natumba. “Tapos siguro baka yun natumba na naiano niya yung tali na hila-hila yung kambing… naitali sa leeg," paliwanag ng nakababatang Guzman. Matapos mapalupot ang lubid sa leeg, maaari raw naghilahan ang mga kambing sa magkakaibang direksiyon kaya humigpit ang pagkakatali sa leeg nito at nasakal. Matagal na umanong ginagawa ng biktima ang pagpapastol sa mga hayop kaya hindi akalain ng pamilya na ang mga alagang kambing ang kikitil sa buhay ni lola Emerita. - FRJ, GMA News